ANG bongga rin pala ng naisip gawin ng Kapamilya actor at Hashtags member na si Ronnie Alonte sa isang bodega sa kanilang bahay.
Sa halip kasi na matengga lamang ito, ginawa niyang “man cave” ang nasabing lugar para maging kapaki-pakinabang.
Ito na ngayon ang favorite tambayan niya para libangin ang sarili lalo na ngayong panahon ng pandemya.
Ipinasilip ng binata sa madlang pipol ang nasabing man cave sa bagong vlog ng LoiNie TV, ang YouTube channel nila ng kanyang girlfriend na si Loisa Andalio.
Magkasamang ipinakita nina ng celebrity couple sa mga netizens bonggang mancave ni Ronnie na may mga disensyong doodle na gawa mismo ng mga kapatid ng binata.
“May mga gamit na rin siya and nakaayos na rin kahit paano,” kuwento ni Ronnie habang inililibot ang mga viewers sa loob.
Aniya, wala talaga sa original na plano ang pagpapagawa ng mancave sa bahay ngunit dahil sa pagbaha sa kanilang lugar ay kailangang ipaayos ang bahaging iyon ng kanilang tirahan.
“At tsaka biglaan ‘tong mancave na ‘to kasi wala talaga siya sa plano ng bahay. Parang sa part kasi na ‘to (creek), pumapasok ‘yung tubig minsan. Bumabaha dito. Kaya tinaasan ‘yung bahay.
“Ang nangyari, may tira sa ilalim na space. So nu’ng chineck namin, sabi ko, ‘Parang pwede ko ‘to ayusin’. So dati, storage lang talaga siya. Parang bodega. Pero ngayon, ginawan ko ng paraan,” paliwanag ng aktor.
Ilan sa mga makikita sa tambayan ni Ronnie ay ang kanyang billiard at table tennis sets at mga video arcade machines na iniregalo ni Kris Aquino sa binata.
“Mayroon akong Daytona USA 2. Kapag walang-wala na kaming magawa, naggaganito kami. Bigay ‘to sa akin ni Ms. Kris Aquino.
“Mayroon din akong Time Crisis 2. Bigay din ni Ms. Kris,” aniya pa.
Nang tanungin kung ano pa ang wish niya para sa kanyang mancave, sana raw ay mapuno na ito ng iba pang gamit.
“Siguro ang makumpleto na siya, kasi marami pa din akong mga dapat palitan dito eh. Kagaya ng mga pinto. Tapos ‘yung mga lababo.
“Kasi gusto ko dining na rin para kapag nagkakainan. And sana, if ever, sana kapag dumating ‘yung pagkakataon na madagdagan lang ng gamit. Kumbaga, mapuno,” pahayag pa ni Ronnie.
“Pero sa akin okay na ‘to kasi lahat naman ng libangan ko, kumpleto naman,” aniya pa.