Kandidatong pro-China at kontra ABS-CBN, iboboto mo ba sa 2022?

Iboboto mo ba ang kandidatong pro-China o kaya kandidatong sumuporta sa pagsara ng ABS-CBN sa 2022 presidential election?

Ito ang ating katanungan sa ating mga mambabasa.

Dalawang makasaysayang pangyayari ang ginunita at naging mainit na pinag-usapan ng sambayanan ngayong linggo. Ang 5th anniversary ng desisyon ng UN Arbitral Tribunal kung saan kinilala ang ating karapatan sa West Philippine Sea (WPS) laban sa China at ang 1st anniversary ng pagbasura ng franchise bill ng ABS-CBN na nagbigay tuldok sa maaaring pagbalik nito sa ere.

Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya (disappointment) kung papaano hinarap ng ating pamahalaan, partikular ang Pangulong Duterte, ang isyung West Philippine Sea. Matatandaan na una ng sinabi ng Pangulo, na ating chief architect sa usaping foreign policy, na ang desisyon ng UN Arbitral Tribunal ay isa lamang papel.

Literal ngang ginawa ng Pangulo ang kanyang sinabi at pananaw tungkol sa desisyon ng UN Arbitral Tribunal. Imbes na gamitin ang desisyon upang isulong at ipaglaban ang karapatan at interest ng bansa sa WPS, halos isinuko nito ang ating soberanya at teritoryo sa China. Sa halip na ipagtanggol ang ating mga mangingisda sa sarili natin dagat, tinawag nyang mga bobo ang mga ito. Pinaratangan din ng Malacanang ang ating mga mangingisda na mga sinungaling.

Sa isyung West Philippine Sea, hindi nagpaka-pangulo ng bansa si Duterte. Nag-mistulang tagapagtanggol at tagapagsalita ito ng China.

Ang posisyon ng Pangulo sa WPS ay parte ng kanyang pro-China policy. Hindi niya tinago ang kanyang pagka pro-China sa halos lahat ng usaping tungkol sa kalakaran sa pamahalaan. Mula sa WPS hanggang sa usaping telecommunication, imprastraktura, armas, hanggang sa pagpondo ng kanyang “build, build, build” projects at pagkuha ng vaccine laban sa COVID-19 ay nagmula o made in China.

Pero kung titignan kung ano ang nagawa sa atin ng China o naging kapalit ng “appeasement policy” ng Pangulo sa WPS, wala naman talagang naitulong ng malaki ang China sa ating ekonomiya at pananalapi, pati na sa usaping COVID-19. Lalo kung ikukumpara ang nagawa at naitulong ng mga ibang bansa sa atin, tulad ng Japan at US.

Ni hindi nga nagawang tuparin ng China ang pangako na magpapautang at maglalagay ng investment sa ating bansa sa halagang $24Billion. Halos o nasa 5% hanggang 10% lang ng pinangakong $24Billion ang naipautang at na-invest sa ating bansa, at tila ito ang naging kapalit ng ating karapatan at interest sa WPS. Klarong naloko tayo ng China dito. Sabi nga ng isang retiradong SC justice, na estafa tayo ng China.

Bilang Filipino, obligasyon nating tiyakin na ang susunod na Pangulo ay yung uunahin ang interest at karapatan ng ating bansa at mamamayan kaysa sa China at ibang bansa. Isang pangulo na titindig laban sa China sa usaping WPS. Isang pangulo na hindi magiging pareho ni Pangulong Duterte.

Katulad ng West Philippine Sea, buhay na buhay din ang diwa at usapin nitong linggo ang tungkol sa pagsara ng ABS-CBN at ang pagbasura ng Kamara (Committee on Legislative Franchises) ng franchise bill nito noong July 10, 2020.

Bagamat naipakita ng ABS-CBN sa napakahaba at paulit-ulit na hearings sa Committee on Legislative Franchises ng Kamara na walang nilabag na batas at sumunod ito sa mga patakaran, binasura pa rin ng committee ang franchise bill.

Inaasahan na ang aksyon ng nasabing committee dahil bago pa man maipasara ang ABS-CBN o mag-expire ang franchise nito, ilang ulit ng pinahayag at sinabi ng Pangulong Duterte na hindi niya papayagan mabigyan ito ng bagong franchise. Hindi lang minsan itong nagpakita ng galit at tantrum laban sa ABS-CBN,

Maski nga naipasara na ang ABS-CBN at naibasura na ang franchise bill, patuloy pa rin si Pangulong Duterte sa pagbanat dito. Nagsabi pa ang Pangulo na hindi niya papayagan mag-operate ang ABS-CBN maski mabigyan pa ito ng legislative franchise ng Kongreso. Hindi niya rin daw papayagan ang National Telecommunication Commission ( NTC) na bigyan ng license to operate ang ABS-CBN.

Ang ABS-CBN ay usaping politikal. Tanggapin natin ang katotohanan na habang nandyan si Pangulong Duterte, o kung ang susunod na pangulong mahahalal sa 2022 ay kaalyado, o konektado, o yung “anointed one” niya, hindi makakabalik sa ere ang ABS-CBN sa taong 2022 hanggang 2028.

Read more...