ISANG magandang balita para sa lahat na nagtataguyod na mapalakas ang kalusugan sa pamamagitan ng pag-iwas sa mga sakit!
Kung susuriin natin ang 10 pinakamadalas na sanhi ng pagkaka-sakit(Morbidity) at pagpanaw (Mortality) sa ating bansa, mahigit kalahati ay dahil sa infectious diseases, mga sakit na nakukuha sa pagkahawa (Exposure, Contact and Contamination) galing sa mga maysakit din.
Ang mga mikrobyo ay lubhang maliliit, hindi nakikita at hindi nararamdaman kapag ang mga ito ay dumadapo sa katawan kung kaya’t napakahirap iwasan lalo na kung hindi natin binibigyan-pansin ang kaganapan na ito.
Kahit isipin pa natin na maaaring mangyari ang impeksyon sa lahat ng pagkakataon, mag-ingat pa tayo, lumayo sa mga pinanggagalingan ng mikrobyo, lagi pa ring may paraan na makapagdulot ito ng sakit.
Ang mga sakit na gaya ng impeksyon sa baga (Bronkitis, Pulmonya at TB), impeksyon sa mga bituka (Acute Gastroenteritis, Cholera) ay posibleng madala ng “body fluids” gaya ng dura, na naglalaman ng plema, laway at sipon.
Nailalabas ito sa katawan sa pamamagitan ng pag-ubo at pag-dura. Ang ubo ay hindi maaring pigilan pero pwedeng gamutin.
Ang pagdura ay pwedeng iwasan, isang desisyon na maaaring gawin ng sinuman. Kinakailangan na bigyan pansin ang mga maidu-dulot na perwisyo ng pagdura.
Maraming salamat kay Ave partylist Rep. Eulogio “Amang” Magsaysay sa pagsusulong niya ng House Bill 299, na nagsasaad na hindi maganda sa kalusugan ng mamamayan ang walang pakundangang pagdura.
Lalong masama ito kung alam mo na ikaw ay maysakit sa baga, bituka at iba pang parte ng katawan dahil lang sa ikaw ay makakahawa.
Ang panukalang batas ay tinatawag na “Anti-Spitting Act of 2013”.
Simple lang ang nilalaman nito, “BAWAL DUMURA SA MGA PAMPUBLIKONG LUGAR”.
May kaukulan na parusa ang mahuhuli. Marahil ay marami ang magbibigay ng taliwas na opinyon tungkol dito, sa kung anu-anong dahilan.
Sa ganang akin, susuportahan ko ito ng lubusan dahil hindi lamang makaka-iwas sa paglaganap ng mga sakit kundi mahalaga na ang disiplina na matututunan ng mga mamamayan.
Ito’y isang uri ng pagpapakita ng malasakit sa ating kapwa: Ang maisip natin na tayo ay mayroon ding pananagutan sa bayan.
Ang disiplinang ito ay kasalukuyan nang nagbibigay ng kaginhawaan sa ibang bansa gaya ng Singapore at Malaysia.
Harinawa maranasan din natin ang kaginhawaan sa kalusugan na maidudulot ng “Anti-Spitting Act of 2013).
May comment ka ba sa column ni Father Dan? May tanong ka ba sa kanya? I-type ang BANDERA REACT
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.