Miss International 2013 Bea Rose Santiago 5 beses nagpapa-dialysis sa loob ng 1 linggo: Better not bitter

PATULOY pa rin ang pakikipaglaban ni 2013 Miss International Bea Rose Santiago sa kanyang sakit na chronic kidney disease.

Humarap muli sa publiko sa pamamagitan ng video call ang dating beauty queen sa ginanap na coronation night ng 2021 Binibining Pilipinas nitong nagdaang Linggo.

Nagbigay si Bea Rose ng update sa iniindang karamdaman na kasalukuyang nasa Canada pa rin kung saan siya nagpapagamot.

Taong 2018 nang ibalita niya sa madlang pipol ang pagkakaroon ng chronic kidney disease at dahil dito kinakailangan niyang sumailalim sa  dialysis at iba pang medical procedure.

Ayon kay Bea Rose, limang beses sa loob ng isang linggo siya kailangang magpa-dialysis at hindi raw talaga biro ang kanyang pinagdaraanan ngunit aniya, lalaban siya sa abot ng kanyang makakaya.

“It’s either you get better or you get bitter. It’s really that simple. You gave to take what has been dealt to you and allow it to make you a better person, a better version of yourself or it will consume you,” sabi ni Bea.

Ipinagdiinan din niya na hinding-hindi siya susuko sa laban at nais din niyang maging inspirasyon para sa ibang tao na dumaraan din sa matitinding pagsubok ng buhay.

“I don’t want my pain to make me a victim. I want my story, my battle to make me someone else’s inspiration,” pahayag ni Bea Rose.

Samantala, binalikan din ng beauty queen ang naging journey niya sa pagiging 2013 Miss International. Sabi ni Bea, tandang-tanda pa rin niya ang pagkakataon ng koronahan siya dahil ito rin yung taon nang hagupitin ng bagyong Yolanda ang Pilipinas.

“My experience as Miss International and as a beauty queen… was full of awesomeness, smiles and just positive energy. That energy inspires confidence.

“I learned that if you want light to come into your life, you need to stand where it is shining,” sey ng beauty queen.

Paalala pa niya sa sambayanang Filipino lalo na ngayong patuloy pa rin ang paghihirap ng karamihan dahil sa pandemya, huwag mawawalan ng pag-asa at tuloy lang ang laban.

“You have to think positively and you are braver than you believe and stronger than you think. I think that’s the kind of mindset that I choose to live by,” sabi pa ni Bea Rose na siyang ikaapat na Pinay na kinoronahang Miss International na sinundan nga ni Kylie Verzosa noong 2016.

Ang tanong, si Hannah Arnold na nga kaya ng Masbate ang susunod na Miss International matapos magwagi sa katatapos lang na Binibining Pilipinas 2021? Abangan!

Read more...