Mga Laro Ngayon
(Mall of Asia Arena)
5:15 p.m. Meralco vs Rain or Shine
7:30 p.m. Talk ‘N Text vs Alaska
Team Standings: Petron Blaze (5-1); Rain or Shine (3-2); Meralco (3-2); Barako Bull (3-2); Alaska Milk (2-2); Talk ‘N Text (2-2); Barangay Ginebra (2-3); San Mig Coffee (2-3); Global Port (2-3); Air21 (1-5)
MATAPOS na makabangon sa kabiguan, puntirya ng defending champion Rain or Shine at Meralco ang ikaapat na panalo sa kanilang pagtutuos sa 2013 PBA Governors’ Cup mamayang alas-5:15 ng hapon sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Sa ikalawang laro sa ganap na alas-7:30 ng gabi ay maghihiwalay ng landas ang Talk ‘N Text at Alaska Milk.
Ang Elasto Painters at Bolts ay parehong may 3-2 record at kasama ng Barako Bull sa ikalawang puwesto sa likod ng nangungunang Petron Blaze (5-1).
Sa pangunguna ni Mario West na nagtala ng 32 puntos, dinaig ng Meralco ang Alaska Milk, 84-74, noong Martes.
Sa laro ring iyon ay nagbalik sa active duty ang superstar na si Mark Cardona na nag-ambag ng siyam na puntos.
“We have to toughen our defense especially against a team like Rain or Shine. We have to prepare ourselves for an eruption from Gilas Pilipinas members Gabe Norwood and Jeff Chan. We also have to do a good job to control Arizona Reid,” ani Meralco coach Paul Ryan Gregorio.
Samantala, kinausap naman kahapon ni PBA Commissioner Chito Salud ang mga manlalarong sina Kelly Nabong, Marvin Hayes, Marc Pingris at Joe Devance kaugnay sa labu-labong nangyari sa laro sa pagitan ng San Mig Coffee at Global Port noong Miyerkules ng gabi.
Inaasahan naman na pagmumultahin ng aabot sa P70,000 at sususpindihin ng isang laro ng PBA sina Pingris at Nabong bilang mga nagpasimuno ng nasabing kaguluhan.
Ilalabas naman sa araw na ito ang desisyon ng PBA.