TUMANGGI kahapon ang Palasyo na magkomento hinggil sa mga “pasabog” ng TV host at showbiz columnist na si Lolit Solis na nagdawit sa dalawang miyembro ng administrasyon sa utak ng P10 bilyong pork barrel scam na si Janet Lim-Napoles.
Sa isang ambush interview matapos ang Cabinet meeting, sinabi ni Presidential Spokesperson Edwin Lacierda na hindi papatulan ng Malacañang ang alegasyon ni Solis na nakikita niya si Presidential Management Staff (PMS) Julia Abad na kasama si Napoles kapag may okasyon ito sa kanyang bahay.
“Naku naman, I don’t want to comment on Lolit Solis. What I’m saying is that we will not be going to dignify a statement coming from a showbiz…,” giit ni Lacierda.
Nauna nang iniugnay kay Napoles ni Solis si Executive Secretary Paquito Ochoa Jr. na tumawag umano sa una noong Disyembre2009 para humingi ng pondo para sa presidential election noong Mayo 2010.
Matatandaang tumanggi ring magkomento ang opisina ni Ochoa sa panayam ni Solis sa isang programa sa radyo.
Hindi na rin nagkomento si Lacierda kung may opisyal na nasa likod ng mga pahayag ni Solis.
“We don’t want to comment on who is behind Lolit Solis,” dagdag ni Lacierda.