FOLLOW-UP ito sa nasulat namin ngayon dito sa BANDERA tungkol sa isang tweet umano ni Vice Ganda patungkol sa paglipat ng mga Kapamilya stars sa GMA 7.
Deleted na ang nasabing post sa Twitter pero may ilang netizens ang mga nakapag-screenshot at ni-repost sa kanilang account hanggang sa kumalat na nga sa social media.
Ang sabi sa tweet, “Ang kapal ng mukha ng mga taong nagsasabing nauubos na ang mga Kapamilya Artist. Kung dyan kayo Masaya, bahala kayo basta sinabi ko na dati pa, wala kayong future dyan sa Kabila. Charot!”
Maraming nag-react sa pahayag daw na ito ni Vice at ang hula nga ng mga netizens ay sina Bea Alonzo at John Lloyd Cruz ang pinatatamaan niya sa nasabing tweet.
Dahil dito, muling nag-post ang komedyante sa Twitter at mariing pinabulaanan ang balita na pinatutsadahan niya ang mga Kapamilya stars na lumilipat ng ibang network.
May tinag na isang online site si Vice at saka sinabing, “Kadiri tong FAKE NEWS na to!!!!!! Pero mas KADIRI ‘yung mga sumakay!!!! Pero PINAKA KADIRI ‘yung mga sumusweldo at kumikita sa FAKE NEWS!!!
“Mga taong sa panahon ngayon chismis, paninirang puri at fake news pa din ang trabaho YUUUUICCCCKKK!!!! Mas mababa pa kayo sa TAE! Yan ang #FACT!”
Kung iaanalisa ang tweet na ito ni Vice ay talagang galit na galit siya sa mga nagsulat tungkol sa nauna umano nitong tweet (pero burado na nga) dahil fake news nga raw.
Hindi namin nabasa ang nasabing tweet dahil deleted na ito nang ikuwento ng aming source pero na-screenshot daw niya ito kaya paano raw ito itatanggi ni Vice?
Anyway, wala naman siyang binanggit na name kaya puwede talagang itanggi ng TV host na pinatatamaan niya sina John Lloyd at Bea. Ang mga netizens lang naman ang nagbanggit sa dating magka-loveteam.
Noong Hunyo 30 ipinost ang umano’y tweet ni Vice at Hulyo 1 naman pumirma si Bea ng kontrata sa GMA 7.
Anyway, ibabahagi namin sa inyo ang screenshot ng umano’y tweet ni Vice na sinasabi niyang fake news. Peke rin kaya ang na-screenshot ng aming source?