KILALA namin si Vice Ganda at talagang pinaninindigan niya ang lahat ng sinasabi niya, mapa-social media, o sa YouTube channel niya pati na sa “It’s Showtime.”
Kaya nakapagtataka kung bakit niya binura ang tweet niyang, “Ang kapal ng mukha ng mga taong nagsasabing nauubos na ang mga Kapamilya artist. Kung dyan kayo masaya, bahala kayo basta sinabi ko na dati pa, wala kayong future dyan sa kabila. Charot!”
May naka-screen shot ng nasabing pahayag ng TV host kaya maraming nakabasa at marami ring nag-react ng hindi maganda dahil halatang sina John Lloyd Cruz at Bea Alonzo ang pinarurunggitan nito kahit hindi niya binanggit ang pangalan ng dalawa.
Si Bea ay nakapirma na sa Kapuso Network samantalang wala pang pirmahang nagaganap sa pagitan ni Lloydie at ng GMA pero matunog na ang gagawin niyang sitcom sa istasyon.
Anyway, may nakalagay na charot sa dulo ng tweet ni Vice na para sa kanya ay biro lang ito pero sabi naman ng mga nakabasa na hindi na lang nag-comment ay, “Half meant naman ang biro, di ba?”
Sapantaha namin kaya tinanggal ito ni Vice ay marami na ang nag-react at ayaw na niyang sumakit ang ulo o ma-stress.
Sabi nga ng TV host at komedyante sa huling mediacon niya ay ayaw na niya ng stress, gusto niya puro good vibes lang.
Bukas ang BANDERA sa magiging pahayag ni Vice hinggil sa isyung ito.
* * *
Halos isang taon na mula nang magbukas ang “Ted Failon and DJ Chacha @ Radyo5,” napagsama nito ang dalawang magkaibang henerasyon ng news, entertainment, music at pop culture sa isang natatangging radio program.
Mula sa pagbabago sa tunog ng FM radio, ang programa ay sabay na sinusubaybayan ng mga millennials sa pamamagitan ng “Queen of FM Radio” na si DJ Chacha, at ng mga “milleniors” (mga seniors na marunong makisabay sa mga millennials) na kinakatawan naman ng isa sa mga tinaguriang media legends sa bansa, si Ted Failon.
Hatid ng Ted Failon and DJ Chacha @ Radyo5 ang komprehensibong talakayan ukol sa iba’t ibang isyung kinakaharap ng karamihan. Tampok ang mga nagbabagang balita mula sa Radyo 5 Network News, at mga makabuluhang talakayan kasama ang mga newsmakers sa Think About It.
May mga segments din ang programa na kasama ang mga eksperto sa kani-kanilang mga larangan, tulad ng The Daily Brad Devotions kasama si Pastor Jeff Eliscupidez, Legal Basis kasama si Dean Mel Sta. Maria, at ChinkTime kasama si Chinkee Tan.
Tampok naman sa Good Morning, Lodi! ang mga usapang showbiz, musika at iba pa. May mga masasayang palaro din na nagbibigay papremyo sa mga tagapakinig sa Hula Hits, Kaninong Boses Ito?, Show Me, at Make Us Laugh.
Simulan ang inyong umaga kasama ang dalawang magkaibang henerasyon na magbibigay kulay sa inyong araw. Kahit saang henerasyon ka man kabilang — mapa-millennial ka man o “millenior” — siguradong busog ang pakikinig mo sa one-of-a-kind radio format ng programang kukumpleto sa iyong umaga.
Abangan ang tambalang Ted Failon at DJ Chacha simula 6 a.m. hanggang 10 a.m., Lunes hanggang Biyernes, sa Radyo5 92.3 News FM at matutunghayan din sa sa One PH Ch. 1 at live din sa Facebook page ng Radyo5PH at YouTube ng News5Everywhere.