SA ika-34 taon niya sa mundo ng entertainment industry, may isang bagay na nadiskubre ang OPM icon at songwriter na si Ice Seguerra.
Hinding-hindi raw inakala ni Ice na papasukin din niya ang pagdidirek na talagang nae-enjoy niya ngayon nang bonggang-bongga.
Ibang klase rin daw ang nararamdaman niyang kaligayahan at fullfilment bilang direktor kaya naman umaasa siya na mas marami pa siyang maging projects kung saan sa likod naman siya ng camera magtatrabaho.
Sa kanyang Instagram page, ibinahagi ng singer-actor ang isang litrato na kuha sa set ng kanyang latest project kung saan siya nga ang magsisilbing direktor.
Aniya sa caption, “As I celebrate my 34th year in the industry, I am doing something na masasabi ko na hindi ko pinangarap at inakala na magpapasaya sa akin ng sobra… Directing.
“Nagsimulang beauty queen, artista sa telebisyon, pelikula, at teatro. Naging singer, gitarista, songwriter, song producer, at album producer.
“Finally, after many years, I’ve found something that gives me so much fulfillment and happiness where I can apply all the things I have learned through the years of being in the industry,” pahayag pa ni Ice.
“I am celebrating my anniversary on the set, behind the scenes, in the director’s chair. And this is exactly where I want to be,” dagdag pa niya.
Nagsimula ang career ng singer sa showbiz nang maging contestant siya sa “Little Miss Philippines” ng “Eat Bulaga”. At mula nga noon ay sumikat na siya nang bonggang-bongga.
Bukod sa pagiging artista, itinuturing na rin ngayon si Ice bilang OPM icon dahil sa kanyang successful albums at napakaraming hit na kanta kabilang na ang “Pagdating ng Panahon,” “Pinakamamahal,” “Sabi Ng Kanta,” “Para Lang Sa ‘Yo” at “Anong Nangyari Sa Ating Dalawa”.
Sa ngayon, wala pang ibinibigay na detalye si Ice tungkol sa kanyang directorial debut. Sa mga hindi pa nakakaalam, si Ice ang nagdirek ng 4th The EDDYS awards ng Society of Philippine Entertainment Editors o SPEEd na ginanap ngayong taon.