Lovi wala pang desisyon kung iiwan ang GMA para lumipat sa ABS-CBN

ANG tapang ng mga artista ng pelikulang “The Other Wife” na sina Joem Bascon, Rhen Escano at Lovi Poe dahil pumayag sila sa matitinding love scene na idinirek ni Prime Cruz handog ng Viva Films.

Kinunan ang pelikula sa panahon ng COVID-19 pandemic noong 2020 ayon kay direk Prime at talagang sumunod naman sila sa health protocols na ipinatutupad ng gobyerno.

Sa face-to-face mediacon kanina ng “The Other Wife” na ginanap sa Botejyu Capital Commons ay sinabi ng tatlong bida na ginawa nila ang mga kailangang gawin para maging safe sila sa mga eksena.

Nabanggit din ni Lovi na ingat lang talaga at tiwala sa isa’t isa ang puwede nilang gawin sa panahon ng shooting ng “The Other Wife” at dahil maganda ang kuwento kaya kailangan nila itong tapusin at sa tingin niya ay mas safe rin dahil naka-lock in shoot sila.

Anyway, mahigit dalawang buwang wala sa bansa si Lovi para dalawin ang boyfriend niyang si Monty Blencowe at para magkaroon na rin ng bonding dahil matagal silang hindi nagkita dahil sa pandemya.

Sa mga panahong wala si Lovi sa bansa ay maraming tsikang aalis na siya ng GMA 7 dahil nga hindi na siya nagre-renew ng kontrata kaya humingi kami ng update kung stay o aalis na siya sa Kapuso network.

“Well, everything is under negotiation so, we’re still having conversations,” pag-amin ng aktres.

Kinlaro namin kung negotiation with GMA o ABS-CBN, natawa muna si Lovi sabay sagot, “It’s a hard thing to say, I think it’s best to keep it private because I want to respect both networks.”

Sa madaling salita ay parehong may negosasyon ang management ni Lovi sa GMA at sa ABS-CBN kaya abangan na lang natin kung ano ang magiging desisyon niya.

Samantala, ang kuwento ng “The Other Wife” ay tungkol kay Janis (Lovi) at Ronnie (Joem), ang mag-asawang gustong ayusin ang kanilang pagsasama.

At para maayos ito ay nagbakasyon sila sa kanilang beach house. Darating naman si Luisa (Rhen), ang kababata ni Ronnie. Sa unang araw pa lang nila sa beach house ay may mga kakaiba ng pangyayari, gaya ng isang babaeng nakikita ni Janis na hindi naman niya kilala.

Napapansin din ni Janis na parang may ibang gumagamit ng kanyang mga gamit gaya ng hairbrush at sabon. Ngunit pinipilit ni Ronnie na sila lang talaga ang tao sa beach house.

Ayon kay direk Prime, napanood na niya ang mga pelikula ni Lovi at never pang nagawa ng aktres ang mga ipinagawa niya rito kaya sobrang proud siya sa aktres.

Abangan ang “The Other Wife” sa July 16, sa global premiere nito sa KTX.ph, iWantTFC, TFC IPTV sa halagang P249 at sa Vivamax.

Read more...