NU’NG sinu-shoot pa lang ang pelikulang “Kun Maupay Man It Panahon” (Whether the Weather is Fine) nina Daniel Padilla at Ms. Charo Santos-Concio ay naikuwento sa amin ng Quantum producer na si Atty. Joji Alonso ang ilang detalye tungkol dito.
Aniya, sobrang laki ng budget ng pelikula dahil kailangan nilang mag-rent ng warehouse para gawing community na winasak ng bagyong Yolanda na isa o dalawang araw lang gagamitin sa shooting.
Ang kuwento ay tungkol sa pinsalang dulot ng Bagyong Yolanda (Haiyan) sa lungsod ng Tacloban sa Leyte noong Nobyembre, 2013 (nasa Waray na dialect).
Pero nang makita naman ni Atty. Joji ang kinalabasan ay wala siyang masabi kundi maganda at sulit din naman ang ibinayad nila sa dalawang araw na eksena.
Kaya naman nang malaman ng Quantum producer na ang pelikulang idinirek ni Carlo Francisco Manatad ay kabilang sa official selection ng ika-74 Locarno Film Festival sa Switzerland kung saan magkakaroon ito ng world premiere sa Concorso Cineasti del Presente (Filmmakers of the Present) section ay talagang tuwang-tuwa siya.
Kaagad niya itong ipinost sa kanyang social media account para pasalamatan ang lahat ng taong may kinalaman sa pelikula.
Ang “Kun Maupay Man It Panahon” ang nag-iisang competing film mula sa Pilipinas ngayong taon sa Locarno, na isang A-List international film festival na nagsisilbing platform para sa auteur cinema.
Ang Cineasti del Presente section para sa unang o ikalawang feature film ng emerging global talents ay igagawad ang Pardo d’oro at award para sa directing pati na rin ang mga parangal para sa Best Actor at Best Actress.
Isinulat ang “Kun Maupay Man It Panahon” ni Manatad na taga-Tacloban kasama sina Giancarlo Abrahan V at Jérémie Dubois. Ang mga producer nito ay sina Josabeth Alonso, Vincent Wang, at Armi Rae Cacanindin na nagsabing, “After seven years, finally, we’ve come to this!”
Noong 2019, pinili ng Film Development Council of the Philippines (FDCP) ang “Kun Maupay Man It Panahon” para sa FDCP Project Market habang noong 2021, pinili ito ng FDCP FilmPhilippines Office upang tanggapin ang International Co-production Fund (ICOF) na may halagang PHP 2.5 million.
“We are tremendously proud of the journey of ‘Kun Maupay Man It Panahon,’ which is a milestone in Philippine regional cinema. FDCP is honored to have supported Carlo Francisco Manatad’s journey from the development and production of this project until now when it’s ready to be shown to the world.
“We thank Locarno for giving it a world premiere and express our heartfelt gratitude to all international film labs, programs, and organizations for believing in and extending support to a Filipino regional film,” pahayag ni FDCP Chairperson and CEO Liza Diño.
Ang production companies sa likod ng “Kun Maupay Man It Panahon” ay Cinematografica, planc., iWantTFC, Globe Studios, Black Sheep, Quantum Films, and CMB Films mula sa Pilipinas, House on Fire mula sa France, AAND Company mula sa Singapore, KawanKawan Media mula sa Indonesia, at Weydemann Bros. mula sa Germany.
Napili rin ang “Kun Maupay Man It Panahon” ng Sorfund Pitching Forum, Talents Tokyo, Cannes Cinefondation L’Atelier, at Hanoi Project Market at developed ito sa La Fabrique des Cinema du Monde, Torino Film Lab Feature Lab 360, Semaine de la Critique Next Step, at EAVE Ties that Bind.
Nakatanggap din ito ng suporta mula sa Aide aux cinemas du monde na managed ng Centre national du cinema et de l’image animee at Institut francais, Torino Film Lab | Creative Europe – MEDIA Programme of the European Union, Brot fur die welt – Bread for the World Protestant development service, Visions Sud Est na suportado ng SDC (Swiss Agency for Development and Cooperation), Doha Film Institute, Asian Cinema Fund for Script Development, Talents Tokyo Next Masters Support Program, at Berlinale World Cinema Fund, isang initiative ng German Federal Cultural Foundation at Berlin International Film Festival ng may pakikipagtulungan sa Federal Foreign Office at may karagdagang suporta mula sa Goethe-Institut.
Ang “Kun Maupay Man It Panahon” co-producers ay sina Ling Tiong, Yulia Evina Bhara, Milena Klemke, Yvonne Wellie, Jakob D. Weydemann, at Jonas Weydemann habang executive producers sina Carlo Katigbak, Cory Vidanes, Roldeo Endrinal, Jamie Lopez, Ginny Monteagudo-Ocampo, Olivia Lamasan, Quark Henares, Jan Pineda, Alonso, Cacanindin, at Arleen Cuevas.
Ang iba pang miyembro ng production team ay sina Patricia Sumagui (line producer), Lim Teck Siang (director of photography), Whammy Alcazaren (production Designer), Benjo Ferrer III (editor), Andrew Florentino (music), Roman Dymny (sound design), Sam Manacsa (art director), at Thesa Tang (wardrobe).
Ang Locarno Film Festival, na idaraos mula Agosto 4 hanggang 14, ay nagpapalabas ng arthouse films mula noong 1946. Noong 2015, nagkaroon ng premiere ang short film ni Manatad na “Junilyn Has” sa Pardi di Domani section ng Locarno.