Dave Bornea idinaan sa pagsasayaw ang paglaban sa anxiety; nagturo ng dance class

PAGSASAYAW ang naging “gamot” ng hunk actor na si Dave Bornea laban sa naranasang anxiety noong kasagsagan ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.

Ayon kay Dave, isa rin siya sa milyun-milyong Pinoy na nakaranas ng matinding kalungkutan at anxiety ngayong panahon ng pandemya, lalo na noong natigil ang kanyang pagtatrabaho.

“I think lahat naman po yata ay hindi nakalusot sa anxiety. Lahat naman po yata ay nakaranas noon dahil nga dito sa pandemic” pahayag ni Dave sa virtual mediacon para sa digital series na “GVBOYS: Pangmalakasang Good Vibes.” 

“Ang ginawa ko lang din sa pandemic, isinayaw ko na lang. Isinayaw ko na lang since may talent naman tayo at saka hobby naman natin ang sumayaw.

“Nagturo ako ng dance class through online. ‘Yun ang nagpagaan ng pandemic life ko,” chika pa ni Dave na talaga namang hataw kung hataw sa kanyang mga dance videos sa TikTok.

Hindi rin daw siya nahirapang magturo ng sayaw sa pamamagitan ng online class dahil bukod sa love talaga niya ang dancing ay suportado rin siya ang kanyang mga kaibigan.

“May mga friends din ako sa dance community, sila ‘yung nag-push sa akin na, ‘How about magturo ka naman?’

“‘Yun, since may mga gusto rin namang matuto and may fanbase din tayo na gustong sumali even though hindi rin naman sila into dancing. So ‘yun, nakakapag-inspire lang kumbaga,” sey pa ng binata.

“‘Yung bad vibes naman ini-ignore ko ‘yan, ayaw kong i-attract o i-absorb ‘yun, mas mabuti na iwasan na lang.

“Kung may naka-bad vibes ka na kakilala mo, pag-usapan n’yo, pilitin n’yong maging masaya lang.

“Kasi, sa dami-raming nangyari sa mundong ito, bakit naman tayo magpapaka-stress. Life is too short kaya piliin nating maging masaya,” sey pa ng aktor.

Tungkol naman sa online sitcom niyang “GVBOYS: Pangmalakasang Good Vibes”, kasama niya rito ang mga Kapamilya stars na sina Nikko Natividad at Jerome Ponce.

“‘Yung character ko rito medyo may pagka-feminine. Parang gusto hulihin ng mga boys kung ano ba talaga ako. Sa dulo, doon nila malalaman kung ano talaga ‘yung pagkatao ko,” aniya hinggil sa karakter niya bilang Zeus Alanganin.

Kahit galing sa ibang network ang mga co-stars ni Dave sa programa, makikita raw ang pagiging close niya kina Jerome at Nikko sa programang ito.

Kasama rin sa “GVBoys” sina Wilma Doesnt, Elsa Droga at Carmi Martin.

Ang “GVBOYS: Pangmalakasang Good Vibe” ay binubuo ng walong episodes at dalawang special episodes. Mapapanood ito sa Facebook Page at YouTube channel ng Puregold na nagsimula na last July 10.

Read more...