HINDI napigilan ng “Queen of Soul” na si Jaya ang mapaiyak kahapon nang magpaalam na sa Kapamilya noontime program na “It’s Showtime”.
Sa segment na “Tawag ng Tanghalan” kung saan nakaupong Punong Hurado si Jaya, madamdamin ang naging pamamaalam niya sa ABS-CBN.
Aniya, mabigat sa loob niya ang lisanin ang show at nagpapasalamat siya sa lahat ng Kapamilya na nakasama at nakatrabaho niya sa istasyon.
“Nu’ng lumipat ako sa ABS, kayo ’yung tumanggap sa akin. For me, I am going to leave with a heavy heart. But I am happy because I’ve had the honor and privilege to work with very excellent hosts that truly accepted me and loved me,” ang lumuluhang pahayag ng veteran singer.
Aniya pa, “The staff, lahat ng nakikita ko dito, pati mga marshalls tinatanong ko san ba kayo natutulog. Kinukulit ko. I love you with all my heart.”
Kung matatandaan, inihayag ni Jaya nitong nagdaang Marso na babalik muna siya sa Amerika kasama ang kanyang pamilya dahil matindi ang naging epekto sa kanila ng COVID-19 pandemic.
“Sa ngayon po gusto ko po sana kahit paano magpahinga. Hindi ko alam ’yung feeling ng pahinga. But still with some type of work.
“Ito nga, sabi ko, ang saya. Natiyempo ’yung online. Pwedeng gawin ’yan. Maraming pwedeng gawin sa online source,” aniya sa isang interview.
Pagpapatuloy pa niya, “Ako nagpapasalamat ako sa Panginoon, dito niya ako dinala. Tingnan mo, di siya nagsara. Lord, thank you for this opportunity to still…me standing up in the midst of all my trials na ilang taon din yun.”
“‘Showtime’, ‘Tawag ng Tanghalan’, ABS-CBN, my heart is with you. You will never close. I claim that because you’ve helped so many people not only the public, even me na isang singer na katulad ko. Namayagpag ng sandali dahil sa pagtanggap ninyo. Maraming salamat.
“I pray that when this station opens up, pagbalik ko again, sana tanggapin nyo pa rin ako. Sa lahat ng mga Kapamilya, maraming salamat for the honor and privilege,” mensahe pa ni Soul Diva.
Ipinangako naman ni Vice Ganda sa kanya na forever na siyang magiging kapamilya, “Mahal na mahal ka namin sobra. Mahal na mahal ka namin bilang katrabaho at kaibigan. We will be forever be family, Jaya. And we will wait for your comeback.”