“I’M not strong,” ang lumuluhang pahayag ng nagbabalik-Kapuso na si Jennica Garcia patungkol sa mga pagsubok na pinagdaraanan niya ngayon sa kanyang personal na buhay.
Aminado ang aktres na sunud-sunod ang pagdating ng matitinding challenges na kinaharap niya nitong mga nagdaang buwan na pilit niyang nilalabanan.
Aniya, ang mga pangyayaring ito ay talagang nakaapekto sa kanyang mental health kaya kinailangan nga niyang magpakonsulta sa mga espesyalista, kabilang na ang pagpapatingin sa psychologist.
Kuwento ni Jennica sa panayam ng GMA, nagsimula ang problema nila ng kanyang asawang si Alwyn Uytingco noong Marso hanggang sa magkalabuan at mauwi na mga sa hiwalayan.
Sinundan pa ito ng pagkamatay ng kanyang lola na tinamaan ng COVID-19 at pagkatapos nito ay nahawa rin ng virus ang kanilang pamilya, sa kabutihang palad ay gumaling din sila agad.
Kasunod nito, pumanaw naman nito lang Mayo ang isa sa pinakamalapit niyang kaibigan na bahagi ng isang non-profit organization kung saan siya nagbo-volunteer.
“‘Yung mental state ko, hindi po talaga siya okay na. I’m about to really lose it in the head,” pahayag ng anak ni Jean Garcia sa nasabing interview.
Dito na nga kumonsulta si Jennica ng isang propesyunal para matulungan siya sa kanyang mga pinagdaraanan.
“I make sure that I meet my doctor weekly, my psychologist. Noong una medyo nahihiya ako to share this,” sabi ng aktres.
Ayon pa kay Jennica, malaking tulong daw sa kanya ang nababasa niyang mga positibong mensahe mula sa mga netizens para kahit paano’y maibsan ang nararamdaman niyang kalungkutan.
“They’re wondering how I am so strong. Hindi kasi ako nakaka-reply. So itong mga ganitong moments, gusto ko siyang i-take as my chance to say that I’m not strong,” paliwanag ni Jennica.
Pag-amin pa niya, “I even question God. I am a Christian, but still, that’s the time wherein I question the Lord.
“Kasi feeling ko minsan si Lord, ‘Lord baka parang ang taas yata ng tingin Mo sa akin.’ Medyo akala mo yata talagang anchored na anchored,” aniya pa.
Habang nagpapaliwanag siya ay tuluyan na siyang napaiyak, “I just want to say that I’m not strong because sometimes I think people think that I am. And in whatever state they are in right now, it’s okay.”
Humingi rin siya ng pasensiya sa pagiging emosyonal niya, hangga’t maaari raw kasi ay ayaw na niyang magbahagi ng mga negatibong bagay sa publiko dahil marami nang masasama at hindi kagandahang balita sa bansa.
Sey pa ni Jennica, nag-a-adjust pa raw siya sa “new normal” bilang solo parent sa dalawa niyang anak matapos silang maghiwalay ni Alwyn.
Very soon, makalipas ang maraming taon ay muling mapapanood ang aktres sa upcoming Kapuso series na “Las Hermanas.”