SA pelikulang “Silab” na idinirek ni Joel Lamangan ay may butt exposure si Jason Abalos at ayon sa aktor ay ayaw niyang mapanood ito ng girlfriend niyang si Vickie Rushton kahit hindi ito selosa.
“Hindi pa niya kasi ako napanood sa ibang pelikulang nagawa ko na ginawa ko dito sa Silab,” sambit ni Jason sa ginanap na virtual mediacon kaninang tanghali handog ng Viva Films.
Inamin din ng aktor na para mapanatiling maganda, mainit at maayos ang relasyon nila ng girlfriend ay dapat lagi silang may komunikasyon.
“Habang nagkakaedad tayo, ang relationship dapat nagse-serve ka sa partner mo.
“Habang buhay na pagse-serve ‘yan sa partner mo na hindi dapat nawawala ‘yung intimate na bagay, usap-usap. Isang proseso na dapat lagi ninyong inaalam ang kailangan ng isa’t isa,” paliwanag ni Jason.
Tanong pa kay Jason kung naging unfaithful ba siya sa kanyang karelasyon, since ang kuwento ng “Silab” ay tungkol sa pangagaliwa o infidelity.
“Dumaan naman po tayo nu’ng kabataan natin na nag-e-explore pa ng mga bagay sa ating buhay at may mga pagkakataon talaga na dumarating po ‘yan.
“Habang tayo ay nagkakaedad, nagiging iba na ang pananaw sa buhay. So (ngayon), pinipilit po natin na huwag na tayong makasakit sa buhay,” pahayag ng aktor.
Samantala, natanong si Jason tungkol sa pahayag ng girlfriend niyang si Vickie na graduate na siya sa pagsali-sali sa beauty contest at napangiti siya dahil ito naman talaga ang gusto ng aktor.
“Siguro nasa ano na kami ni Vickie eh, matagal na akong naghihintay na matapos si Vickie sa pagpa-pageant. Tingin ko ayon na ‘yon e. Sabi ko, ‘O tama na yan, hindi ka na pwede, tayo naman.’
“Kasi hinayaan ko siya talagang lumarga, gawin niya lahat ng gusto niya habang dalaga pa siya, so ngayon siguro panahon na para bumuo ng pamilya,” pag-amin ng aktor.
At sa sinabing ito ni Jason ay hindi na kami magtataka kung isa sa mga araw na ito ay mag-propose na siya kay Vickie.
Samantala, si Jason ay gaganap na Emil sa “Silab”, ang asawa ni Cloe Barretto bilang si Ana na magkakaroon ng relasyon kay Marco Gomez as Rod.
Ang “Silab” ay mula sa panulat ng multi-awarded scriptwriter na si Raquel Villavicencio. Makakasama rin sa pelikula sina Lotlot de Leon, Jim Pebanco at Chanda Romero.
Mapapanood ang “Silab” sa Hulyo 9 sa Vivamax Middle East. Sa ating mga kababayan sa UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, at Qatar, watch all you can na for only AED35/month.