KULANG-KULANG P1 million ang binayaran ng stand-up comedian na si Ate Gay sa ospital matapos ang ilang linggong pagkaka-confine at gamutan.
Kung hindi raw sa tulong pinansiyal ng kanyang mga kapatid at ng ilang malalapit na kaibigan sa showbiz, baka raw lumala na ang kundisyon niya at wala na siya ngayon sa mundo.
Isang “rare and serious skin condition” ang tumama kay Ate Gay, ang tinatawag na toxic epidermal necrolysis o TEN.
Ayon sa isang health website, ang taong magkaroon ng TEN ay makararanas ng “severe skin peeling and blistering” sanhi ng “adverse reaction to medication like anticonvulsants or antibiotics.”
Ang isa sa sintomas nito ay matinding pagbabalat at pagsusugat sabi ni Ate Gay, “Nagbabalat yung balat mo. Hindi mo kakayanin pag hindi ka malakas.
“Ang hirap ng pinagdaanan ko sa sakit na ito. Lahat, halos… hindi makatulog dahil baka mamaya diyan mawawala yung balat mo. Biglaan ‘to, e, siguro nung pandemya,” paliwanag niya sa isang interview.
Sa isang vlog naman ng talent manager at vlogger na si Ogie Diaz, pinasalamatan muli ni Ate Gay ang lahat ng tumulong at nagdasal para sa kanyang kaligtasan.
Bukod kay Ogie, nagpaabot din ng ayuda sa kanya sina Paolo Ballesteros, ang Beks Battalion na sina Chad Kinis, Lassy at MC. Special mention din niya si Vice Ganda na isa sa mga unang tumulong sa kanya kahit na nagkaroon sila ng hindi pagkakaunawaan noon.
“Nagpapasalamat ako dahil nakarating sa kanya na nasa ospital ako at walang kaabog-abog na tutulong daw siya.
“Tumulong naman siya at ayun, nagpapasalamat ako. Sa kabila ng mga nangyari sa akin sa Showtime, naramdaman ko yung puso niya, sa puso ng mga kaibigan mo sa showbiz,” sey ng komedyante.
Samantala, isa sa mga realizations ni Ate Gay sa nangyari sa kanya ay ang pagkakaroon ng emergency fund na maaaring magamit kapag may kinakailangan ng mabilisang cash.
“Wala akong masyadong ipon kasi puro saya. Ano ako, e, yung walang natitira sa akin, kumbaga naibibigay ko sa lahat.
“Hindi ako yung maganu’n (nagse-save) sa pera na dapat ganu’n. Pero huwag niyo pong gagayahin yun kasi hindi maganda yun. Kahit may mga bagay na akong dapat ko i-save, hindi ko nase-save.
“Yung dapat talaga may ipon. Kung mahirap lang ako noong panahon na iyon, nu’ng nagkasakit ako, siguro patay na ako ngayon,” pahayag pa ng impersonator ni Superstar Nora Aunor.
Kung susumahin, humigit-kumulang sa P1 milyon ang inabot ng bill niya sa hospital, “Siguro kung yung mga kapatid ko walang trabaho, siguro patay na ako ngayon.
“E, dahil wala akong pera, yung kapatid ko sa Japan ang nagbayad. Kaya sabi ko nu’ng itong last, ‘Ay, hindi na ako babalik dito (sa ospital) kawawa naman yung kapatid ko.’ Yung kapatid ko sa Japan talaga ang nagbayad ng bills,” aniya pa.
Nabanggit din niya sa isa niyang social media post na bilang pasasalamat sa second life na ibinigay sa kanya ng Diyos ay itinigil na rin niya ang mga bisyo tulad ng paninigarilyo at pag-inom ng alak.
Kung matatandaan, nito lang nagdaang Mayo niya ibinandera sa madlang pipol na okay na okay na uli ang kalusugan niya.
“Yeheyyy mataba na ako. Skin nalang mahirap matanggal ang galing sa TOXIC EPIDERMAL NECROLYSIS. Lumaban ako ng todo, masarap mabuhay with a hearth. Salamat sa inyong pagmamahal,” ang caption ni Ate Gay sa kanyang selfie photo sa IG.