Kung naging virtual ang pagdaraos ng Miss Bikini Philippines at Miss FIT Philippines noong 2020, live na itong itatanghal ngayong taon, sinabi ni ProMedia CEO Paul Izon Reyes sa isang media conference sa Quezon City noong Hunyo 28.
“The Miss FIT Philippines will be held in September, while the Miss Bikini Philippines will be sometime November or December,” pagpapatuloy ng opisyal ng ProMedia, na ipinakikilala bilang isang “fitness project management company.”
Sinabi ni Reyes na “younger sister” ng Miss Bikini Philippines pageant ang Miss FIT Philippines contest.
“Miss FIT—face, intelligence, tone—promotes holistic fitness, while Miss Bikini is leaning more towards ‘beauty’ while still promoting overall health,” pinaliwanag niya.
Noong 2020, isinalin ni 2019 Miss Bikini Philippines Louise Theunis ang korona niya sa bagong reyna na si Chelsea Fernandez nang virtual lang.
Nagsilbi rin si Theunis bilang national director ng virtual na Miss FIT Philippines contest, na idinaos ilang buwan bago niya isinalin ang korona niya.
Ngayon, sasabak na rin si Theunis sa isang virtual na competition, bilang kinatawan ng Carrascal, Surigao del Sur, sa 2021 Miss Philippines Earth pageant.
Isa si Theunis sa itinuturing ni Reyes bilang “pageant athletes” ng ProMedia.
Sinabi ni Reyes na nagsasanay at lumalaban na tila mga atleta ang mga kalahok ng beauty contest, at tumutulong ang kumpanya niya sa mga kandidata sa pamamagitan ng pagbibigay ng fitness regimens, nutrition plans, at mental health guidance.
Kasama ni Theunis sa Miss Philippines Earth pageant ang mga kapwa niya “pageant athlete,” sina Miss Bikini Philippines runner-up Elda Aznar ng Davao City, at Miss FIT Philippines runner-up Anita Gomez ng Olongapo City.
Isasabak naman ng ProMedia sa 2021 Miss World Philippines pageant si Natasha Jung, na una nang sumali sa 2020 Miss Bikini Philippines contest.
Ngunit unang makakakita ng aksyon si reigning Miss Caloocan Shanon Tampon, na sasabak sa 2021 Binibining Pilipinas pageant na magtatapos sa Hulyo 11.
Sinabi ni Tampon na “swimsuit is my forte” at pinasalamatan niya ang “pageant athlete” training niya.
Sila ang unang pangkat ng mga pambato na isasabak ng ProMedia sa mga national competition. May sinasanay na silang dalawang dilag na maaaring lumaban sa isang taon.
Umaasa si Reyes na patuloy na magiging hagdan sa mas malalaking patimpalak ang mga contest niya.
Bago naging Binibining Pilipinas-International si Janicel Lubina at Miss Philippines-Earth si Angelee delos Reyes, nasungkit muna nila ang korona bilang Miss Bikini Philippines.