Lahat ng kandidata ng Miss World PH babakunahan kontra COVID-19

Nagtulungan sina reigning Reina Hispanoamericana Filipinas Katrina Llegado (kanan) at Miss World Philippines candidate Asha Gutierrez upang mabakunahan kontra-COVID-19 ang mga kandidata ng patimpalak./ARMIN P. ADINA

Babakunahan kontra COVID-19 lahat ng mga kandidata ng 2021 Miss World Philippines pageant, ito ang ibinahagi ni Reina Hispanoamericana Filipinas Katrina Llegado sa isang pagtitipon ng mga kawani ng midya kamakailan.

“I would like to thank the Taguig local government unit for making it possible,” anang reyna sa pagtitipong ipinatawag ng Taguig Designers Council sa La Luna Café sa Taguig City noong Hunyo  27.

Sinabi pa niyang nakipagtulungan siya sa kandidata ng Miss World Philippines na si Asha Gutierrez upang maisakatuparan ang pagbabakuna. “If we want to go back to normal, have yourselves vaccinated,” ani Llegado.

Nagtulungan sina reigning Reina Hispanoamericana Filipinas Katrina Llegado (kanan) at Miss World Philippines candidate Asha Gutierrez upang mabakunahan kontra-COVID-19 ang mga kandidata ng patimpalak./ARMIN P. ADINA

Ipinakilala si Gutierrez bilang bagong muse ng mga designer ng lungsod, na siyang lilikha ng lahat ng isusuot ng kandidata para sa 2021 Miss World Philippines pageant.

Tumanggap din ng suporta si Gutierrez mula kay Taguig City second district Rep. Lani Cayetano, na dumalo rin sa pagtitipon, at sinabing aktibo ang kandidata sa mga hakbang ng lungsod laban sa COVID-19.

“She personally took the time and studied, and educated us on the problem,” anang mambabatas.

Sinusuportahan ni Taguig City second district Rep. Lani Cayetano ang kinatawan ng lungsod sa Miss World Philippines pageant na si Asha Gutierrez./ARMIN P. ADINA

Nakikibahagi rin si Gutierrez sa mga hakbang ng lungsod upang tugunan ang karahasan sa kababaihan at kabataan, dinagdag pa ni Cayetano.

Naunang sumali si Gutierrez sa 2019 Miss World Philippines pageant, kasabay ni Llegado. Nagpasya umano siyang bumalik sapagkat “it’s a dream.”

Marami umano siyang natutunan sa pagsali niya noong 2019, at umigting pa lalo ang pagnanais niyang maisulong ang mga adbokasiya niya sa patimpalak.

Bibihisan si Asha Gutierrez ng Taguig Designers Council./ARMIN P. ADINA

Isang dating varsity basketball player, isinusulong ni Gutierrez and malusog na pamumuhay. Sa katunayan, 11 taon na siyang vegetarian, at unti-unti na siyang sumusunod sa isang vegan lifestyle.

Nilalabanan din niya ang karahasan “in all forms in the country” sa pamamagitan ng pangkat na Transcend.

Makakalaban ng Taguigeña ang 44 iba pang kalahok para sa walong korona—Miss World Philippines, Miss Supranational Philippines, Miss Eco Philippines, Reina Hispanoamericana Filipinas, Miss Multinational Philippines, Miss Eco Teen Philippines, Miss Philippines Tourism, at Miss Environment Philippines.

Itatanghal ang 2021 Miss World Philippines coronation night sa SM Mall of Asia Arena sa Pasay City sa Hulyo 25, at mapapanood ito sa GMA 7.

Read more...