SUMIKAT ang pangalang Kid Yambao dahil isa siya sa paborito ni Vice Ganda sa grupong Hashtags, talagang isinasama pa siya nito sa mga gimik noong wala pang COVID-19 pandemic.
Kung saan-saang sosyaling bar daw sila nagpupunta noon na inaabot ng halos paumaga na kaya puyat-puyat sila pagpasok sa “It’s Showtime”. Ito ang masayang kuwento ni Kid ng huli namin siyang maka-tsikahan bago magkaroon ng pandemya.
Ang saya-saya at makulit si Kid noon kaya nagulat kami ngayon sa panayam niya sa vlog ng manager niyang si Ogie Diaz na in-upload nitong Lunes ng gabi kung saam umamin siyang lugmok na lugmok dahil walang-wala siya ngayon.
Ang perang inipon sa pagsasayaw sa “Showtime” at sa mga nilabasang pelikula ay parang bulang nawala dahil na-scam daw siya ng kamag-anak niya.
Sinubukan ding gumamit ng droga ni Kid, “Hindi social experiment kasi tumagal ako lahat tinray ko. Bata kasi ako no’n, nakita ko erpats ko nakikita ko silang gumagamit, so bata palang ako alam ko na kung ano ‘yun, grade school ako no’n.
“Tinatago nila sa damitan ko, may makikita ako nalalaglag sa pantalon ko. Sabi ko no’n hindi ko ita-try ito pero nu’ng natuto na akong dumiskarte para pakikisama para mabuhay ka, ginawa ko ‘yun (droga). Nabuhay ako na hindi umasa sa magulang ko,” kuwento ng binata.
Mas lumala raw sa droga si Kid nang magkapera dahil ipinasok na siya ni Ogie sa showbiz at may mga projects na hindi niya sinisipot kaya galit na galit sa kanya ang manager niya.
“Gusto kong umangat kami (sa buhay) pero bakit ganu’n ang ginagawa ko, sinusundan ko ‘yung step na ginagawa ng magulang ko. So isa ito sa mga tumapik nang sobra sa akin.
“Hindi ako lumabas ng isang linggo sa bahay, umiwas na ako sa lahat kasi praning na praning na ako, umabot sa time na kaya kong patayin ang erpats ko kasi gumagamit ang erpats ko.
“Umuwi ako no’n basag din ako (high sa droga), tapos ang nauwian ko nag-aaway magulang ko, tapos umalis si ermats , umalis mga kapatid ko, ako naiwan.
“Tulog erpats ko, parang may bumubulong sa akin na pagkakataon mo na ito walang tao, pagkakataon mo na ito gawin mo na. Pumunta ako ng kusina kumuha akong kutsilyo at kumuha ako ng upuan, umupo ako sa harap ng erpats ko habang tulog ginaganito ko (hawak nang mahigpit) hanggang sa nasusugatan na ako.
“May bumubulong na gawin mo na, pero sa sarili mo may lumalaban na ‘huwag.’ Hanggang sa pasama na nang pasama ‘yung galit ko, ang ginawa ko tumakbo ako umalis ako ng bahay,” kuwento ni Kid.
Nakituloy daw si Kid sa aktor na si Mark Oblea at pinatuloy naman daw siya nito. At nang makapag-isip na, “Pinagsisihan ko na ‘yung ginawa ko sa erpats ko na hindi alam hanggang ngayon. Okay na relasyon namin ngayon ng magulang ko, mas okay kaysa dati.”
Medyo okay na raw sila ngayon dahil ang nanay niya ay nakatira sa Sta. Mesa kasama ang ilang kapatid na may trabaho na at siya naman ay sa Cavite kasama ang dalawang kapatid.
Hindi binanggit ni Kid kung nasaan ang ama kaya tinanong ni Ogie kung buo pa rin ang pamilya niya?
Umiling ang binata at naiiyak na hanggang sa itinungo na lang ang ulo sabay hawak sa mga mata.
Sunod na tanong ni Ogie, “Pangarap mong mabuo ang pamilya mo?”
“Nakakulong si erpats,” umiiyak nang sabi ni Kid habang takip nito ang mukha.
Hindi na binanggit ng binata kung anong dahilan ng pagkakakulong nito at noong Oktubre pa raw ito nasa kulungan.
Samantala, pilit daw ibinabangon ni Kid ang sarili sa pagnenegosyo ng kung anu-ano dahil gusto niyang maibalik ang dating naipon.
“Kasi di ba nag-invest ako sa ‘yo before, nabalik mo okay tayo. Ngayon hindi ko pa nasasabi sa ‘yo na nawala ‘yung pera ko,” umiiyak uling sabi ni Kid.
“Huh? Nawala ‘yung pera mo? Sana pala hindi ko ibinalik muna. Paano nawala?” takang tanong ni Ogie
“In-invest ko sa tiyuhin ko at ang nangyari tinakbuhan din daw siya. So nu’ng pandemic wala, as in walang raket, wala akong pera. As in nasimot lahat binigay ko lahat tapos nahuli pa si erpats,” umiiyak na sabi ni Kid sabay punas ng kanyang sipon.
“Sana pala hindi ko ibinigay,” sabi ulit ni Ogie.
“Sana nga,” mahinang sabi ni Kid.
“Ito ang nagawa sa akin ng pandemic, nawala lahat ‘yung pera ko, ‘yung erpats ko (nahuli). Kaya dasal pa rin talaga.
“Kaya umuwi ako ng Cavite kasi hindi kaya ng mga kapatid ko, sabi ko antayin lang nila didiskarte ako, ibabalik ko ‘yung dati, magnenegosyo ako,” say ni Kid.
At lahat ng kinita niya sa mga pelikula nitong pandemic ay inipon niya at nag-breed din siya ng mga mamahaling aso na nag-click naman.
“Once na na-scam ka na, naloko ka hindi lang ‘yun maraming beses pa. Hindi ka puwedeng huminto kasi pag huminto ka matatalo ka sa negosyo. Naghangad kasi ako ng malaki, hindi do’n sa konti pero tuluy-tuloy.
“Sabi nila sa pamilya ka kumapit, e, buong buhay ko puro pamilya nanloko sa akin,” sabi ng binata.