Ben&Ben todo papuri sa SB19: Mga totoo silang tao, saludo kami sa inyo!

“PARANG may chemistry ba. Ganu’n siguro pag soulmate!” Yan ang bahagi ng ginawang paglalarawan ng OPM band na Ben&Ben patungkol sa award-winning P-pop group na SB19.

Puro magagandang salita ang ibinigay ng isa sa mga miyembro ng Ben&Ben na si Paolo Benjamin para sa SB19 matapos nga nilang maka-collab ang grupo para sa bagong version ng viral song na “MAPA”.

Sa pamamagitan ng social media, nagbahagi ang Ben&Ben ng naging  experience nila sa pakikipagsanib-pwersa sa SB19 kung saan gumawa nga sila ng performance video ng “MAPA” at inilabas na nga nitong nagdaang Linggo.  

“Alam niyo, ‘yung SB19 ay isa sa mga grupong hinahangaan namin ng sobra. 

“Pero hindi lang yun dahil halimaw silang sumayaw, pulido silang umawit, at mahusay silang sumulat, kung hindi dahil napakabuti nilang mga tao,” ang bahagi ng mensahe ni Paolo na kanyang ipinost sa Instagram.

Ayon sa Ben&Ben member, mas nakilala pa raw nila nang lubusan ang mga miyembro ng SB19 matapos ang kanilang collaboration project. 

“Nu’ng nakasama namin sila sa Ben&Ben House para sa collab, sobrang chill at kalog lang din talaga nila, kaya sobrang gaan agad nung vibe. 

“Kwentuhan tungkol sa pamilya, mga pangarap, mga struggle, at mga kung anu-anong trip lang.

“Du’n mo talaga makikilala yung puso nila, at malalaman mong mga totoo silang tao na may mga totoong pinagdaanan at pangarap na gustong patunguhan. 

“Kahit sobrang magkaiba kami (introvert kami, tas siyempre ang astig nila), nasakyan agad namin trip ng isa’t isa,” pahayag pa ng singer-songwriter.

“Tapos nu’ng shoot ng ‘Mapa’ sa Metropolitan Theater, parang magtotropa na kami. Saglit lang kami magkasama, pero parang ang tagal nang magkakakilala. 

“Parang may chemistry ba. Ganu’n siguro pag soulmate. Jk Pero seryoso. Kahit magkakaiba kami ng tunog, personality at porma, iba yung samahan na hatid ng musika,” patuloy pang pagbabahagi ni Paolo.

Nabanggit din niya na nagsisilbi ring inspirasyon ng Ben&Ben ang SB19 bilang nga musikero at composer.

“Ang dami naming natutunan mula sa kanila, at na-inspire kaming pagbutihin pa as artists, musicians, at as people. 

“Napakalayo pa ng daang tatahakin namin bilang banda, at ang dami pang learnings at growth, pero kapag napapaligiran ka ng mga nakakainspire na grupo tulad ng SB19, patuloy lang talaga! SB19, saludo kami sa inyo,” papuri pa ni Paolo sa grupo.

Ito ang unang pagkakataon na nag-collab ang dalawa sa mga sikat na grupo ngayon sa music industry na pang-international talaga ang mga kanta at performance.

At in fairness, sila rin ang unang Filipino artists na nakapag-shoot ng video sa newly reopened art deco-inspired Manila Metropolitan Theatre makalipas ang anim na taong pagre-restore rito.

Ang kantang “MAPA” ay isa sa mga original hit ng SB19 na ni-release last May na isang tribute para sa lahat ng nanay at tatay na patuloy na nagsasakripisyo para sa kanilang mga anak.

Sa ngayon, mahigit 1 million na ang views nito sa YouTube. Wala pang 24 oras nang i-upload ito ay halos kalahating milyon na ang nakapanood nito.

Read more...