Juliana Parizcova Segovia naka-jackpot sa Viva; hugot na hugot ang drama sa ‘Gluta’

KUNG may isang Kapamilya celebrity na masasabing sinuwerte sa panahon ng pandemya, idagdag pa ang pagpapasara sa ABS-CBN, yan ay walang iba kundi si Juliana Parizcova Segovia.

Naging matumal man ang raket ng kauna-unahang Miss Q&A winner ng “It’s Showtime” last year dahil sa nangyari sa Kapamilya Network at sa COVID-19 pandemic, bumabawi naman ngayon siya sa paggawa ng pelikula.

Humahataw ngayon ang movie career ni Juliana, in fairness. Mula nang pumirma siya ng kontrata Viva Artists Agency noong 2020 ay nagsunud-sunod na ang projects niya.

After ng sexy-comedy film na “Kaka” na bentang-benta ngayon sa streaming app na Vivamax, susunod nang ipapalabas ang ikalawang movie niya, ang “Gluta” na pinagbibidahan ni Ella Cruz.

Pagkatapos nito, sisimulan na rin niya ang ikatlong project niya sa Viva Films, ang “Deception” na siyang magsisilbing reunion movie ng dating magdyowa na sina Mark Anthony Fernandez at Claudine Barretto.

Nakachikahan namin kamakailan si Juliana sa kauna-unahang face-to-face presscon ng Viva para sa “Gluta” simula nang magkapandemya. At nabanggit nga niya sa amin na feeling blessed talaga siya ngayong 2021.

Kaya naman todo ang pasasalamat niya sa Viva dahil naging sunud-sunod ang kanyang mga proyekto kaya naman nangako siya na mas gagalingan at mas sisipagan pa niya ang pagtatrabaho.

Sa isang panayam, inamin ni Juliana inatake rin siya ng anxiety noong magsara ang ABS-CBN at magkaroon ng health crisis sa bansa. Feeling daw niya, pinaglaruan siya ng tadhana.

“Ang hirap po kasi parang pakiramdam ko ang bilis binawi. Parang tinapos ko na nga ‘yung pagiging ‘beauty queen’. Doon na ako sa next step na subukan ko naman ang acting. Subukan ko naman ang pagiging komedyante sa TV, sa pelikula,” aniya.

Talaga raw halos gabi-gabi siyang  umiiyak noon, “Kasi nagka-anxiety ako na…ang dami ko pa sanang planong gawin kung nagtuloy-tuloy lang siya. Kasi meron ng mga write-ups na noon sa akin na, ‘In fairness kay Juliana when it comes to acting…’ mga ganyan. 

“May mga nababasa kami sa diyaryo na ganu’n nu’ng nakikita nila ako sa Probinsyano. So, nu’ng time na ‘yon naisip ko, paano ko pa ito matutuloy? Paano ko pa gagalingan?” pahayag ng gay comedian.

Hanggang sa pagkatiwalaan na nga siya ng Viva at i-offer sa kanya ni Direk Darryl Yap ang “Gluta” kung saan mas maipapakita niya ang galing sa pagpapatawa at pagdadrama.

Sa trailer pa lang ay puring-puri na ng members ng entertainment press si Juliana, lalo na sa eksena nila ni Ella kung saan sinasabihan niya ito na hindi pang-beauty queen ang kanilang mga itsura bilang Aeta.

“Hugot na hugot kasi damang-dama ko siya. Ninamnam ko siya kasi alam ko galing din ako doon. Hindi man ako talaga Aeta pero naramdaman ko ’yung eksena na galing din ako doon.

“Yes, nilalait na hindi ito ’yung ganda na dinikta ng lipunan para maging beauty queen ka. Hindi ito ’yung itsura na hinahanap na mabigyan ka ng korona. Parang ganu’n. 

“So, oo binitawan ko nang buong puso ’yung sinabi ko na ‘Malupit ang mundo, Angel (Ella)…’ which is totoo talaga. Kaya ayon thank you kay Direk Darryl at Ella kaya napaiyak din ako nang bongga doon!” kuwento pa ni Juliana.

Puring-puri rin ni Ella si Juliana sa ipinakita nitong akting sa “Gluta”, pati na ng kontrobersyal nilang direktor na si Darryl Yap.

“Si Juliana ang deserve hindi lang magkatrabaho kundi talagang literal na magkapera (dahil sa galing at kasipagan). Bigyan ninyo ng pera yang taong yan. Ha-hahaha!” ang papuri pa ng direktor kay Juliana.

Mapapanood na ang “Gluta” simula sa July 2 sa streaming app na Vivamax. Makakasama rin dito sina Marco Gallo, Rose Van Ginkel at marami pang iba.

Read more...