Willie muling nakasama ang 3 anak noong Father’s Day sa pag-aaring private resort

Willie Revillame

ANG saya-saya ni Willie Revillame noong Father’s Day dahil nakapiling niya sa kanyang private resort sa Puerto Galera ang mga anak na sina Meryll, Marimonte at Juamee, kasama rin ang mga apong sina Eli at Guido.

Aliw si Willie dahil tinuruan niyang mag-intro si Meryll para sa kanyang Mama Meme vlog na in-upload ngayong umaga sa YouTube.

Habang pinapanood namin ang house tour ng private resort ni Willie ay hindi namin mapigilan ang mapa-wow dahil para kaming inilibot sa ibang bansa. Grabe! An ganda-ganda ng pag-aaring ito ng “Wowowin” host.

And take note, sa labas ng bahay ay naroon ang kanyang helicopter at nakadaong ang dalawang yate na ayon kay Meryll ay iyon ang paboritong spot ng tatay niya dahil habang nakasakay ay doon siya nag-iisip ng mga ideas para sa programa niya.

“Ipapakita namin sa inyo kung paano nagre-relax si papa at kung saan siya nag-iisip at mina-master-master ang ideas para sa kanyang mga ginagawa,” kuwento ng panganay na anak ni Willie.

Tuwang-tuwa si Willie sa bunsong apong si Guido, anim na buwan na karga-karga at panay ang halik dahil super daldal na hindi naman maintindihan ang sinasabi. At ang guwapo ng bagets, huh!

Natawa naman kami sa sinabi ni Willie kasi ang kulay ng mga patio umbrellas ay orange, “O, di ba ang mga kulay, hanggang dito Shopee pa rin?” kaswal na sabi ng TV host pero kaagad namang nagbigay ng disclaimer ang mag-ama na hindi sponsor ng nasabing online shopping app ang vlog na ito ni Meryll.

“Napakasaya namin dahil kasama namin si Papa ngayong Father’s Day, ‘yung mga kapatid ko naman ay nagje-jetski pa as of now makikita rin natin sia later. First time ni Guido mag-beach kaya napaka-special ng ano (pasyal) namin,” sabi ni Mama Meme.

Maya-maya ay dumaong na ang panganay ni Meryll na si Eli galing sa pagje-jetski at sabay halik sa bunsong kapatid na magkamukha pala.

Ipinakilala ni Meryll ang dalawang kapatid, “Sasamahan naman tayo ng dalawa kong kapatid at sila naman ang tsitsika sa inyo.

“Ito ang aming bunso at only boy si Juamee (anak ni Willie kay Liz Almoro), bumati ka sa mga mama Meme fans,” say ng aktres.

“Hi to dear mama Meme fans” bati ni Juamee na binata na rin pala.

“Hi mga Okasan, so ngayon ipapakilala ko ‘yung ate ko galing sa Baguio, si ate Marimonte (sabay bati sa mga okasan),” aniya pa.

Ikinuwento ni Juamee na madalas silang magkita ng tatay niyang si Willie dahil sa quarantine, “For me dahil nag-quarantine at online ‘yung klase ko I visited him more, minsan dito (Puerto Galera) minsan sa Tagaytay and I get to bond with him through boating jetski, sometimes when he drives this (chopper) ‘coz he’s a pilot a, he’s certified,” kuwento ng bunsong anak ni Willie.

Ang panganay na apong si Eli naman ang nagkuwento kung paano niya nakakasama ang lolo Willie niya, “For me I visited him pag may mga special occasion also with Juamee kasi kung wala ‘yung dad ko (Bernard Palanca), we actually go to my lolo which is like he’s basically also like my father. I also like t spend time with him,” say ni Eli.

At si Marimonte, “For me naman since I live in Baguio City the best way I can talk to him is through chat. But during may vacation I go to spend time with him and spend time in Ayala (mall) together. So that’s how I spend time with dad.”

May pahabol si Juamee, “At guys isa pa, pumupunta ako rito (Puerto Galera) kapag nag-aaway kami ni mommy (Liz), joke lang.”

Hirit ni Meryll, “Talaga ba Juamee?  Akala ko ba camera shy ka?”

Nakakatuwang panoorin ang mga anak ni Willie na magkakasundo, may respeto sa isa’t isa at lahat sila napaka-humble considering na they have everything.

Tanda pa namin ang sabi ni Meryll noong nakatsikahan namin, “Hindi naman namin pag-aari ‘yun kay papa ‘yun kaya i-enjoy niya lahat dahil pinaghirapan niyang lahat ‘yun.”

Di nga ba’t sinabi rin ng tiyahin ni Mama Meme na si Maricel Soriano na hindi umaasa ang pamangkin niya sa tatay nitong mayaman.

Sabi pa ni Meryll, “Ako ang panganay (38 years old), meron pa kaming isa pang kapatid hindi namin nakakasama ‘yun, ito naman si Marimont (18) and Juamee (15).  Tapos si Eli 13 na parang kapatid na rin nina Marimonte at Juamee kasi growing up kayo ‘yung magkakasama. So ayan, eto ang aking mga shopatembangs (gay lingo).

“Ang saya-saya ko kasi magkakasama kami ngayong Father’s Day, ang saya ko na pinasundo niya (Willie) si Marimonte at si Juamee sa Muntinlupa.

“Kaya nagpapasalamat ako na pumayag siyang i-video (magkakasama silang magkakapatid) ang araw na ito kasi nga Father’s Day,” aniya pa.

Abangan ang part 2 ng vlog dahil si Marimonte naman ang magkukuwento tungkol sa iba pang pa-tour sa ari-arian ng ama.

Read more...