Makki Lucino natalo sa TNT pero naka-jackpot sa Star Music; binansagang Queer of Soul

KAHIT hindi siya ang tinanghal na grand winner sa huling edisyon ng “Tawag ng Tanghalan” sa “It’s Showtime”, naka-jackpot pa rin ang isa sa mga finalist na si Makki Lucino.

Si Makki ang napili ng Star Music para kumanta ng bagong version ng Broadway song na “She Used To Be Mine.”

Last Friday, ni-release na sa iba’t ibang digital streaming platform ang unang single ni Makki na na kinanta na rin niya sa “Tawag ng Tanghalan”. Dito siya binigyan ng standing ovation ng mga hurado pati na ng mga host ng “Showtime.”

“Gusto naming maging paalala ito sa lahat na ‘wag matakot sa pagbabago, na laging i-celebrate ang buhay, at yakapin ang journey natin,” ani Makki.

“Kinanta ko po siya sa TNT bago makapasok ng Top 6. ‘Yung feedback po ay na-touch ‘yung mga tao, naiyak sila. ‘Yun po ‘yung maganda, na I was able to touch other people’s hearts,” pahayag ni Makki na tinagurian ding “Queer of Soul” sa nakaraang virtual mediacon ng Star Music.

Alay daw niya ito sa kanyang ate at sa lahat ng mga dumaranas ng matinding pagsubok sa buhay bilang single mother, “Past po siya ng ate ko na nasubaybayan ko talaga, single mother ‘yung ate ko. ‘Yung nasa lyrics, each word talagang napagdaanan niya yun.”

Isinulat ng American singer-songwriter na si Sara Bareilles ang kanta para sa musical na “Waitress,” na ipinaparamdam ang emosyon ng isang taong hindi na makilala ang dati at kasalukuyan niyang pagkatao, pati na ang pagtataka kung sino siya ngayon kung naiba ang kanyang sitwasyon.

Samantala, hanggang ngayon ay hindi pa rin makapaniwala si Makki na may title na rin siya bilang singer, “I’m so happy kasi yung ‘Queer of Soul’ is a monicker na naisip ng aking management at Star Music. The word ‘queer’ ako po ‘yun e. And yung ‘soul’ po is my style of singing. ‘Yung soul pop.” 

Hindi man original song ang una niyang single ay super happy pa rin si Makki na ang “She Used To Be Mine” ang pinakanta sa kanya. 

“I’m confident po muna dito sa song na ito. Kung magkakaroon man po ako ng time pa ng second single, it will follow po. After this, kapag pinalad po ulit na ma-produce, I’ll be happy and thankful,” aniya nang tanungin tungkol sa pagkakaroon ng original song.

Ayon kay Makki, gusto niyang kumatawan sa LGBTQ+ community at magdala ng inspirasyon sa mga Pilipino gamit ang madamdamin niyang performances at mga ilalabas na kanta—na uumpisahan ng bersyon niya ng “She Used to Be Mine.”

Samantala, matapos ang “Tawag ng Tanghalan” journey niya, sumabak na rin sa livestreaming sa kumu si Makki sa sa “Queer of Soul,” na napapanood sa SeenZone channel (@seenzonechannel) at guestings sa FYE Channel at MYX.

Pakinggan ang rendisyon ni Makki ng “She Used to Be Mine” sa iba’t ibang digital music streaming services. 

Read more...