Erich na-challenge sa lock-in taping, puring-puri sina JC at Carlo: Aura pa lang pampa-good vibes na

“SINO ba naman ang hihindi sa ganitong klaseng project, di ba?” ang chika ni Erich Gonzales patungkol sa teleserye niyang “La Vida Lena” sa Kapamilya Network.

Magsisimula na ito sa June 28 sa iba’t ibang platforms ng ABS-CBN, kung saan gaganap si Erich ng dalawang mapaghamong karakter — sina Lena and Magda.

“Nu’ng pinresent sa akin yung kuwento nagustuhan ko talaga siya. It’s something na hindi ko pa talaga nagagawa before. 

“Yung story hindi lang talaga siya revenge, punumpuno siya ng puso. Nandu’n pa rin yung core nating mga Pilipino, yung pamilya. 

“And grateful tayo sa patuloy na pagtitiwala sa atin ng ABS-CBN and ng Dreamscape. Wala namang imposible kung lahat kami nagtutulungan. Kami tulong-tulong lahat talaga,” pahayag ni Erich nang humarap sa virtual mediacon ng serye kamakailan.

Bago sumalang sa lock-in taping, mahabang proseso rin ang pinagdaanan ng produksyon kasama na ang members ng cast. 

“Prior to our lock-in taping namin, nandu’n yung mga Zoom meetings namin with sila direk. Nagkaroon rin kami ng script reading para mas suwabe na pagdating sa set. 

“Meron din tayong mga pa-fashion dito. Nag-fit na rin tayo ng mga damit, mga costumes, ganyan. Basically ang challenge lang talaga is first time ko talaga gawin yung ganito, yung lock-in. 

“Thank God naging maganda yung ating experience dito sa ating unang lock-in taping,” chika pa ng aktres.

Dalawa ang leading man niya sa “La Vida Lena”, sina JC de Vera at Carlo Aquino at talagang puring-puri niya  ang mga ito dahil napakagaan at napakasarap daw katrabaho.

“Alam mo na agad na magaan. Yung aura pa lang nila good vibes na agad. And napaka-gentleman nila. Silang lahat gentleman. Alalay sila especially sa mga eksena na medyo physical. 

“Hindi naman natin maiiwasan pag ni-require ng kuwento. They’re very professional and gentlemen talaga sila lahat so naging magaan at smooth talaga lahat sa taping namin,” pahayag ni Erich.

Pero kanino siya mas na-challenge pagdating sa akting, kay JC o kay Carlo? “Character-wise, I must say JC’s character si Adrian yun yung pinaka intense talaga. 

“But meron silang kanya-kanyang kumbaga shining moment. Dito walang sapawan, kumbaga if this is his time to shine, walang mang-aagaw na sasapawan siya. Na-plantsa na yun nila direk,” aniya pa.

Magsisimula na ang “La Vida Lena” sa June 28 sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, Kapamilya Online Live YouTube channel at sa ABS-CBN Entertainment Facebook page.

Kasama rin dito sina Kit Thompson, Janice de Belen, Agot Isidro, Raymond Bagatsing at marami pang iba.

Read more...