WALANG hiya-hiyang inamin ng veteran comedian na si Dennis Padilla na totoong nanghingi siya ng tulong pinansiyal sa ilang mga kaibigan sa showbiz noong tinamaan siya ng COVID-19.
Umabot daw kasi sa mahigit P1 million ang bill niya sa ospital sa loob ng dalawang linggong pagpapagamot niya matapos mahawahan ng killer virus.
Talagang pinroblema raw ng komedyante kung saan niya kukunin ang pambayad sa ospital, lalo pa’t wala naman daw siyang gaanong nakukuhang trabaho nitong nagdaang mga buwan.
Ayon sa tatay ni Julia Barretto, hanggang ngayon daw ay talagang hindi niya maihanap ng paliwanag kung paano at saan niya nakuha ang virus dahil sinusunod naman niya ang lahat ng safety protocols, bukod pa sa healthy living naman siya.
Kuwento ni Dennis sa panayam ng “Reporter’s Notebook” kamakailan, nang suriin daw ang kanyang mga baga sa ospital kung saan siya na-confine ay nalamang meron pala siyang pneumonia.
Sey pa ng komedyante, na-shock daw talaga siya nang umabot na sa kalahating milyon ang bill niya sa ikalimang araw pa lang niya sa ospital.
Dito na raw siya labis nag-alala hanggang sa tumagal nga ng dalawang linggo ang pagkakaratay niya sa ospital. Sa huli, umabot sa P1.2 million ang dapat niyang bayaran.
Maswerte rin naman daw siya dahil nabawasan ng P250,000 ang bill niya dahil sa PhilHealth benefit package na ibinibigay sa mga COVID-19 patients.
Ngunit, dahil nga walang regular na pinagkakakitaan ngayong panahon ng pandemya, problema pa rin niya ang natitirang bayarin.
“Ganu’n naman tayo, isang kahig isang tuka. Kapag may show, ‘pag may, pelikula may pera,” ani Dennis.
Dito na nga niya nabanggit na kinapalan na niya ang kanyang mukha sa panghihingi ng pera sa ilang kaibigang artista. Ayaw na nga niyang sabihing “utang” yun dahil hindi rin niya maipapangako kung mababayaran pa niya ang mga ito.
“Hingi talaga (ng pera),” sabi ni Dennis. “Alam mo yung pakiramdam ma ganu’n, pinoproblema mo na yung sakit mo, tapos financially iisipin mo. So dalawa yung stress mo.”
Aniya pa, talaga raw masasaid ang savings ng isang taong tatamaan ng COVID-19. Maituturing pa rin daw niyang maswerte ang sarili dahil may mga kaibigan siya sa showbiz na hindi siya pinabayaan sa gitna ng laban kontra COVID.