Target ni Tulfo by Mon Tulfo
NAGPAPAKIPOT si Bro. Mike Velarde, hari-harian ng El Shaddai Catholic charismatic group, sa pagbigay ng suporta sa mga presidentiables na nanliligaw sa kanya.
Aysus, para namang babaeng Pilipina itong si Velarde na kailangan pang ligawan upang makamit ang kanyang “oo”!
Hindi lang pinaglalaruan ni Velarde ang mga politiko na lumalapit sa kanya upang makuha ang boto ng kanyang mga kampon.
Pinaglalaruan din niya ang kanyang mga kampon na tatalon sa Ilog Pasig kapag iniutos niya.
Ginawa niyang mga uto-uto ang mga ito—ang mga politiko at maging ang kanyang mga alagad—pero di nila alam.
Anong meron itong si Velarde na naniniwala ang milyun-milyong tao sa kanya?
Di ba nila alam na siya’y nagkaroon ng maraming kasong estafa noong araw?
Ang estafa ay isang criminal case na bunsod ng pag-iisyu ng tsekeng tumatalbog. Ito’y isang uri ng panloloko sa kapwa.
Kung ang tanong ninyo ay meron bang ebidensiya ang inyong lingkod tungkol sa mga kasong estafa ni Velarde, ay meron po.
May mga record si Velarde sa files ng National Bureau of Investigation (NBI).
Bakit pinaniniwalaan ninyo ang isang taong nanggagantso noong araw?
Kung ikaw ay alipores ni Velarde, bakit di ninyo tanungin si Velarde kung saan napupunta ang milyun-milyong piso na ibinibigay sa kanya sa pamamagitan ng “love offering”?
Oo nga’t nagtayo na si Velarde ng malaking simbahan, pero ilang more than 20 years na siyang kumikita ng milyun-milyon sa “love offering” linggu-linggo sa kanyang mga kampon?
Napilitan na lang siya dahil sinisilip na siya ng ilang followers ng El Shaddai na nagising na sa katotohanan.
* * *
Wala akong personal na galit kay Mike Velarde.
Hindi ko siya kilalang personal at di rin niya ako kilala.
Ang akin lang ay dapat malaman ng mga tao na ang pagliligtas ng kaluluwa ng isang tao ay hindi sa relihiyon kundi sa kanyang sarili.
Walang sinuman o relihiyon ang nakakapagligtas ng kaluluwa.
Binobola lang tayo ng mga evangelists at ng ating mga relihiyon.
* * *
Meron daw itatayong futuristic underwater resort sa Palawan.
Ito’y nakalagay kahapon sa front page ng INQUIRER na sister publication ng Bandera.
Ang magiging halaga raw ng underwater resort hotel ay $1 billion.
Kilala ko ang sinasabing may-ari ng lupa na tatayuan daw ng futuristic resort na siya mismo raw ang magiging developer din.
Puro hangin lang ang sinasabi ng taong tinutukoy ko.
Nagkaroon ng cruise ship ang taong ito last year na ala Caribbean tour sana ang gagawin sa Pilipinas.
Hindi nakapaglayag ang cruise ship ng mokong.
Bakit? Dahil hindi siya nakapagbayad ng buwis sa pagpasok niya ng cruise ship sa bansa.
Milyun-milyong piso ang di niya mabayaran sa Bureau of Customs, kaya’t kinumpiska ang cruise ship ng gobyerno.
Ang cruise ship ay nabubulok sa pantalan.
Kung yung cruise ship ay di niya mapalayag dahil sa maliit na halaga, paano siya makapagtatayo ng $1 billion resort hotel?
Masyadong mahangin ang mokong na isang Ilonggo.
May kasabihan na ang likas daw sa ilang mga Ilonggo (hindi ko nilalahat at sinasabi ko lang ang naririnig ko) na magtikal.
Ang tikal sa Ilonggo ay pagyayabang.
May isang joke tungkol sa pagtitikal ng mga Ilonggo.
Nagkaroon ng isang bidahan ng mga barkada na kasali ang Ilonggo.
Nagyabangan habang nag-iinuman ang barkada.
Nang turno na ng Ilonggo ang magsalita, sinabi niya na nagkaroon siya ng malaking fishpond sa Bacolod noong araw.
Pero minalas daw siya at nawala ang kanyang kayamanan na nakuha niya sa pagpi-fish pond.
Nang tinanong ng barkada kung ano’ng nangyari sa fishpond at nawala ito, umubo muna si Ilonggo bago nagsalita:
“Abaw, nasunog gid ang fishpond.”
Ibig niyang sabihin, natupok ng apoy ang kanyang fishpond kaya’t naging mahirap na siya.
O, kita ninyo na ang ibig kong sabihin ng tikal?
Bandera, 040710