Bandera Editorial: Naglalaway sa poder at Kontra Komunista

Bandera Editorial

Naglalaway sa poder
MASAKIT na katotohanan ang pagsasalarawan ni Gibo Teodoro sa pagnanasa ng kanyang mga kaaway sa politika: “naglalaway at gutom sa kapangyarihan ng pangulungan.”
Ang masakit na parinig at sumbat sa mga kaaway ay ginawa ni Gibo bunsod ng kumakalat na bali-balita’t tsismis na opisyal na ihahayag ni Gibo ngayon ang kanyang pag-atras sa pagiging kandidato pagka-pangulo ng Lakas-Kampi-CMD.
“Such rumors are originating from sectors who will cast aside all notions of decency to satiate their salivation and hunger for power through the Presidency,” ani Gibo.
Bakit nga ba ganoon?  Naglalaway at gutom sa kapangyarihan ang ilang kandidato para sa Malacanang?  Bakit nga ba ginagamit na rin nila ang bali-balita’t tsismis para sirain ang kanilang kalaban?  Balewala na ba ang nilagdaang kasunduan para sa malinis na kampanya?
Inamin din ni Gibo na ang paglalaway sa poder ay karaniwan at kalakaran sa politika.  Mahirap baguhin ito, kung ang pakay ni Gibo ay iwaksi ang baluktot na sistema.
Dahil mismong ilang kandidato ang gusto nito.

* * *

Kontra Komunista
DALAWANG nangangampanya para sa Bantay party-list ni retired Gen. Jovito Palparan ang pinatay at natagpuang namamagang mga bangkay sa Calinan District at dalampasigan ng Island Garden City of Samal sa Davao.
Kilala ang Davao City at Davao del Norte na pinamumugaran ng mga Komunista, ang kaaway ng gobyerno dahil naglalaway din itong pabagsakin ang gobyerno sa pamamagitan ng kaisipang Marx-Lenin-Mao.
Pero, bakit nga ba nariyan pa rin ang New People’s Army at Komunista sa kabila ng pangingibabaw ng gobyerno sa Mindoro, Quezon, Samar, Leyte at ilang lalawigan sa Mindanao?  Bakit di sila kayang lipulin at pigilan ang pangingikil ng mismong mga halal na opisyal ng taumbayan?
Sa isang maliit na pulong ng provincial peace and order council ng isang lalawigan, ipinasa ng pinuno ng infantry battalion ng Army sa LGUs ang problema ng Komunismo, dahil mismong ang mga halal na opisyal ay walang ginagawa para labanan ito; at mas lalong walamg pakialam kung nalalagasan ang hanay ng Armed Forces.
Kaya mamamatay lamang ang kontra Komunista.

Bandera, 040510

Read more...