Lito Bautista, Executive Editor
Mabuti na lang at di gaanong pinatulan at pinalaki ng lokal na media ang baliw (pero di naman siya dakila, tulad ng nakita sa salamin ni Celeste Legaspi) na pananaw ni Carolla, o KSP lang siya dahil wala namang kilalang komedyante ang Pinoy na ang apelyido ay Carolla. Sino ba siya?
Kung sa tingin ni Carolla ay idiot at illiterate si Pacquiao, magiging bilyonaryo na ang lahat ng idiot at illiterate.
Kung minaliit ni Carolla ang pagdagsa ng libu-libong bumati sa mga hero’s welcome ni Pacquiao, mas maliit ang pananaw ng mga idiot at illiterate dito sa mga sumalubong kay John F. Kennedy sa Dallas, Texas at sa parada ng mga hindi puti para sa adhikain ni Martin Luther King Jr.
“He’s gonna run for Congress in the Philippines. Really? You want some guy with brain damage running your country? Why don’t you get your sh*t together? They got this and sex tours—that’s all they have over there,” ani Carolla.
Kung ang tingin niya ay may brain damage si Pacquiao, mas maraming politiko at lider sa Amerika, na kababayan ni Carolla, ang sira na ang utak. Dahil sa sira na ang kanilang mga utak, wala na silang alam kundi ang mangalunya kaliwa’t kanan.
Ano ang ibig sabihin nito? May kasabihan ang Pinoy na bago tingnan ang kalat ng iba ay alisin muna ang muta sa mata.
Ang lahat ng sinabi ni Carolla ay bumalik sa kanya.
Bandera, 040510