Balimbingan? O nag-iisip lang

Bandera Editorial

KAMPANYA pa lamang ay nagbabalimbingan na ang mga politiko.  Ang tampok na halimbawa ng balimbingan ay ang inihayag ni Sen. Jinggoy Estrada sa proclamation rally sa Bogo City at Daanbantayan sa Cebu, na dinaluhan mismo ni Gov. Gwendolyn Garcia, kilalang kaalyado ni Pangulong Arroyo at nagtatag ng One Cebu Party, na sumusuporta kay Gibo Teodoro.
“Kung hindi ninyo iboboto ang aking ama na si Presidente Joseph Estrada, sana si Gibo Teodoro nalang ang iboto ninyo,” ani Jinggoy.  Bagaman Lakas-Kampi-CMD ang partido ni Gibo, hindi sinilip ni Jinggoy ang kulay o gulugod ng politika, kundi ang pagkatao, kakayanan, talino’t karanasan ng kandidato.  Hindi binanatan ni Teodoro si Erap, o sinumang mga Estrada, kaya hindi masamang tinapay si Gibo kay Jinggoy.  Oo nga naman.  Kung sina Noynoy Aquino at Manny Villar ay nanganganti ng katunggali, hindi si Gibo, na may sariling estilo ng kampanya at hindi sasamantalahin ang pakikinig ng botante para lamang siraan ang kalaban, o mga kalaban.
Kung sa Cebu ay may nasilip na pagbabago sa panlasa ng mga botante si Jinggoy, mas kakaiba ang timplahan sa Mindanao, pero simple lang dahil maihahambing lang ito sa karaniwang pamumuhay ng langgam.
Hindi natin lubos na alam kung bakit ganoon sila, pero alam natin na ang karaniwang pamumuhay ng langgam ay nagsisiksikan sila kung nasaan naroroon ang asukal.
Ganoon ba talaga ang dugong balimbing ng Pinoy?  Lalo na kapag natapos na ang halalan ay gagawa’t gagawa ng paraan ang ilang politiko para sumama sa nanalo, para muling madikit sa kapangyarihan, para muling maghari, para muling makapamuhay nang masagana, atbp.
Kanya-kanyang katuwiran ng pagbabalimbingan.  Ang iba’y lalahukan pa ng paninindigan at pupurihin hanggang langit ang nanalo para lamang maituloy ang maluhong pamumuhay sa politika.
Pero, matalinhaga ang binitiwang pahayag ni Jinggoy.  Kung lubusang pag-aaralan, hihimayin at titimbangin, tila hindi ito papasok sa koral ng balimbing.
Tila, nag-iisip lang si Jinggoy pagkatapos ng paghihimay at paninimbang ng mga isyu.  Kung gayon nga, sana’y kumalat ito, tulad ng sakit, na magagamit para gamutin ang matandang karamdaman sa politika.

Bandera, 040110

Philippine News, Philippine politics, Philippine Elections 2010

Read more...