Target ni Tulfo ni Mon Tulfo
IPINADI-disqualify ng Pamalakaya, militanteng grupo ng mga mangingisda, ang kandidatura ni dating Agriculture Secretary Art Yap dahil sa lack of residency sa Bohol.
Tumatakbo pagka-kongresista si Yap sa probinsiya ng kanyang esposang si Carol Yap.
Si Carol ay taga-Loboc at sinasabi ni Yap na isang taon na siyang naninirahan sa Loboc.
Kailangan ang one-year residency para makatakbo sa local elective post ang sinuman.
Sinabi ng Pamalakaya na hindi nakatira si Yap sa Loboc, Bohol kundi sa Ortigas, Pasig City.
May katuwiran ang Pamalakaya sa petisyon nito na ma-disqualify ang dating kalihim ng agrikultura.
Unang-una ay hindi namamalagi si Yap sa Bohol dahil ang opisina niya ay sa Maynila at umuuwi siya sa Ortigas.
Kung pumunta man siya sa Bohol ay paminsan-minsan lang upang samahan ang kanyang misis o dalawin ang kanyang mga biyenan.
Paano niya masasabi na siya’y naninirahan sa Bohol ngayon?
* * *
Kapag hindi diniskualipika ng Comelec si Yap, unfair naman sa mga na-disqualify na mga kandidato na sina Congressman Baham Mitra at Gov. Joel Reyes ng Palawan.
Si Baham, anak ng yumaong dating Speaker na si Ramon Mitra, ay tumatakbo bilang gobernador ng Palawan dahil tapos na ang three terms niya bilang congressman.
Si Reyes ay ganoon din: Tumakbo siya bilang congressman ng first district ng Palawan dahil naubos na niya ang kanyang three terms bilang governor.
Diniskualipay sina Mitra at Reyes ng Comelec kamakailan dahil di nila tinupad ang one-year residency requirement.
Hindi naniwala ang Comelec na nanirahan si Baham sa bayan ng Aborlan dahil kuwarto sa isang bodega lang daw ang kanyang sinabing bahay.
Diniskualipay naman si Reyes dahil sinabi din niya na nakatira siya sa Aborlan samantalang, sabi ng Comelec, bakasyunan lang ng kanyang pamilya ang kanyang beach house sa nasabing bayan.
Kung na-disqualify sina Reyes at Mitra ng Comelec dahil sa di nila tinupad ang one-year residency requirement, dapat lang ay ma-disqualify si Yap bilang kandidato ng pagka-congressman sa Bohol.
Kung sina Mitra at Reyes na taga-Palawan mismo ay na-disqualify na tumakbo sa sarili nilang probinsiya, kaya pa si Yap na hindi taga-Bohol?
Dapat walang kinikilingan ang Comelec sa bagay residency requirement.
* * *
Kinatatakutan ko na ma-disqualify ang aking close friend na si Hil Dineros na tumatakbo bilang kongresista sa Northern Samar.
Oo nga’t si Hil, na isang batikang doktor at palaging nagme-medical mission sa Samar, ay taga Samar.
Pero matagal na siyang nakatira sa Maynila at sa America kung saan nakatira ang kanyang pamilya.
Napaka-matulungin itong si Dineros. Gumagamot siya ng mahihirap nang walang bayad.
May mga nailapit akong mga bingot kay Dineros at kanyang inoperahan ang mga ito nang walang bayad.
Si Hil Dineros ay plastic surgeon.
Taun-taon ay nagdadala siya ng mga doktor galing ng America upang mag-medical mission sa Samar.
Nang ako’y nag-medical mission sa Tacloban City noong aking kaarawan last year, nandoon si Hil at nag-opera siya ng labing-isang bingot na mga bata.
Natatakot ako na made-disqualify si Hil kapag siya’y manalo sa Samar.
Malaki ang tsansa ni Hil Dineros na manalo dahil sa kanyang kawanggawa sa kanyang mga kababayan sa Samar.
Bandera, 033010