Joey naging totoo at responsable sa 16 na anak; sumabak sa ‘name challenge’
KABISADO ng veteran comedian na si Joey Marquez ang pangalan ng kanyang 16 na anak mula sa iba’t ibang babaeng nakarelasyon niya.
Unang naging tatay si Tsong Joey noong 15 years old siya ngunit sa kabila ng murang edad at hirap ng buhay, hindi niya tinalikuran ang kanyang responsibilidad at obligasyon bilang ama sa kanyang mga anak.
Sa nakaraang episode ng “Tunay na Buhay”, ikinuwento ng dating mayor ng Parañaque City na produkto rin siya ng broken family pero kilala raw niya lahat ng mga naging kapatid niya sa iba-ibang pamilya.
“Alam mo kasi ang principle in life ko, lahat ng half-sister at brother ko, kilala ko lahat ‘yan. I don’t call them my half-sisters, half-brothers.
“Sabi ko, wala naman silang kasalanan, e. Kapatid ko pa rin ‘yan kahit ano’ng mangyari. Very close ako sa lahat ng kapatid ko,” sabi ng komedyante.
At ganito rin daw ang naging relasyon ng kanyang mga anak kahit pa iba-iba ang kanilang mga ina kaya naman nagpapasalamat siya dahil magkakasundo at nagmamahalan ang mga ito.
“Alam mo very protective sila sa isa’t isa. Kapag ‘yung isa naapi, guguyurin nu’ng isa. Parang ganu’n sila,” aniya pa.
Ang isa pang ipinagmamalaki ni Tsong ay ang educational attainment ng mga anak. Aniya, ito ang itinuturing niyang “greatest gift” na maibibigay at maipapamana niya sa mga ito.
“’One day you’ll be a parent. You’ll understand me why I’m like this. And why I’m always on guard in terms of your education. That’s the only thing I can promise you for a better life,’ sabi ko sa kanila,” sabi pa ni Joey.
Sa isang bahagi ng panayam, hinamon ang comedian na isa-isahin ang pangalan ng kanyang 16 anak, “in chronological order.”
In fairness naman kay Tsong, nabanggit naman niya ang lahat ng 16 na anak mula sa pinakapanganay hanggang sa bunso — sina JJ, Jeremy, Jesm, Kristine, Jerica, Jerico, Paolo, Jowee Ann, Yeoj, Winwyn, Zia, Vitto, MM, Jazalla, Jacob at Joeygy.
Samantala, sa panayam naman kay Winwyn (anak ni Tsong kay Alma Moreno), pinatunayan nito na naging honest naman sa kanilang lahat ang ama kaya naman madali nilang natanggap at minahalang bawat isa.
“Alam na namin, e. My mom and dad never hid anything from us and we grew up beside each other.
“We grew up knowing our other siblings. We have a really, really good relationship with each other. Thanks to my dad, of course. And of course, my mom as well,” sey pa ng actress-beauty queen.
Ibinahagi naman ni Vitto ang pinakamahalagang payo sa buhay na palaging ipinaaalala sa kanila mg ama.
“Laging sinasabi ni daddy sa’min is walang half-brother, walang half-sister. Kapatid mo pa rin sila at siyempre sa huli din, magtutulungan din kayo kahit ano’ng mangyari, because family is family,” sabi ng binatang aktor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.