Heartful Café nina Julie Anne at David matatapos na, pero hiling ng fans: Sana may Book 2!

SA nalalapit na pagtatapos ng Kapuso primetime series na “Heartful Café” ay iisa ang sigaw ng mga nakatutok dito gabi-gabi — sana’y magkaroon din ito ng book 2.

Ramdam na ramdam na ng mga tagasubaybay ng serye ang magkahalong lungkot at excitement kaya naman ngayon pa lang ay humihiling na sila sa GMA ng season 2.

Ayon sa fans nina Julie Anne San Jose, David Licauco at Edgar Allan Guzman, tanggap nila na malapit na ang ending ng “Heartfup Café” pero wish nila na makaisip pa ang production ng mas marami pang twist sa kuwento para sa book 2 nito.

Sabi nga ng isang adik sa programa, para raw silang nanonood ng K-Drama kapag nakatutok na sa “Heartful Café” dahil sa hatid nitong good vibes at inspiring life lessons, kabilang ang mga hugot sa lovelife.

Tweet ng netizen, “Wala na akong ma-say sa Heartful Café kungdi Daebak!!! Hindi sa hilig ko ang kdrama and nakikita ko ang pagka kdrama nya but the flow of the story sobrang ganda talaga.”

“The cast is complete package, dalang dala nila ‘yung karakter nila. Sana may Book 2,” comment naman ng isa pang Twitter user.

Ang iba naman ay talagang umaasa na sa book 2 dahil umeksena na nga sa nakaraang episode si Destiny, na ginagampanan rin ni Julie Anne.

“So hindi future heart yung long hair na Julie. Hahaha. Buti naman. It means possible talaga ang book 2 for Heartful Cafe,” mensahe ng isang Kapuso viewer.

“That ‘Last 6 days’ part. Parang kelan lang we can’t wait for #HeartfulCafe to start and now, we are almost at the end,” komento naman ng isa pang avid fan ng Kapuso romcom series.

So, ang tanong nga ng mga ka-HC, sino kaya ang makakatuluyan ni Heart (Julie Anne): si Ace (David) o si Uno (Edgar Allan)?

Kung ikaw si Heart, pipiliin mo ba ang future na nandiyan na si Ace na naging daan para makabangon ang Heartful Cafe o ang past with Uno na dati niyang boyfriend at naging business partner ngunit iniwan matapos makakuha ng scholarship sa isang film school sa Los Angeles?

Huwag na huwag nang bibitiw sa huling linggo ng “Heartful Café”, sa GMA Telebabad pagkatapos ng “Endless Love.”

Read more...