Naunsyami ang pagtatanghal ng Binibining Pilipinas pageant noong nagdaang taon dahil sa pandemyang bunga ng COVID-19, ngunit wala nang makapipigil pa sa pagdaraos ng patimpalak ngayong taon.
Sa isang virtual media conference noong Hunyo 11, sinabi ng opisyal ng Bb. Pilipinas Charities Inc. (BPCI) na si Gines Enriquez na “ready for two scenarios” ang organisasyon.
“There will be ticket-selling if it is allowed to accept 20 or 30 percent audience capacity in the venue, or we’ll do it virtually if it will still be not allowed,” aniya.
Sinabi niyang araw-araw ay pinag-aaralan ng grupo ang anumang pangyayari, at nakahanda ito kung ano ang magiging desisyon ng IATF (inter-agency task force on COVID-19).
“We’re in the middle of de-escalation in NCR+, and if we’re fortunate to have it allowed, we’ll have a live show,” ani Enriquez.
Kikilos ang BPCI batay sa mga alituntuning ilalatag para sa panahong mula Hunyo 16 hanggang 30. “The IATF announces guidelines every 15 days,” dinagdag niya.
Mahigit dalawang taon na ang nakararaan mula nang idaos ang huling Bb. Pilipinas coronation night, kung saan anim ang nagwagi. Apat ang hihiranging reyna sa patimpalak ngayong taon, na itatanghal sa Smart Araneta Coliseum sa Araneta City sa Quezon City sa Hulyo 11.
Sinimulan na ng BPCI ang pagbuo sa ilang preliminary events, at nilatag na ang mga dapat abangan ng mga tagasubaybay.
Binago at pinaganda na ang website, at nakita na noong Hunyo 10 ang bagong anyo nito na nagtatampok sa ilang-dekadang kasaysayan ng patimpalak.
Inaanyayahan din ang mga tagahanga na suportahan ang mga paborito nilang kandidata sa botohan para sa “Best in National Costume” award na magsisimula sa Hunyo 12 sa opisyal na Tiktok at Facebook accounts ng Bb. Pilipinas.
Mapapanood naman sa opisyal na YouTube channel at Facebook account ng Bb. Pilipinas ang isang espesyal na swimsuit presentation sa Hunyo 18, at ang national costume parade sa Hunyo 27 kung saan din ihahayag ang 10 mangunguna sa botohan sa Best in National Costume.
Ipapalabas din sa YouTube channel at Facebook account ng patimpalak ang isang primer sa Hulyo 9, kung saan mapapanood ang mga eksena sa likod ng kamera, at magkakaroon ng mas malalim na pagkilala sa mga kandidata.
Sinabi rin ng BPCI na malapit nang ilunsad ang opisyal na mobile app nito, kung saan makakasagap ng balita ang mga tagahanga kaugnay ng patimpalak, o silipin at iboto ang mga kandidata, o bumili ng official merchandise.
Tumanggi ang BPCI na magsiwalat ng karagdagan pang mga detalye tungkol sa coronation night, ngunit sinabing magkakaroon ng pawang mga babaeng host sa unang pagkakataon sa kasaysayan ng Bb. Pilipinas—sina 2018 Miss Universe Catriona Gray at 2016 Miss Grand International first runner-up Nicole Cordoves.
Mapapanood ang coronation night nang sabay sa Bb. Pilipinas YouTube channel at A2Z Channel 11.