HINDI nakaka-relate ang Kapamilya young actress na si Francine Diaz sa ginampanan niyang role sa four-part digital anthology series ng ABS-CBN na “Click, Like, Share.”
Bida si Francine sa episode na “Cancelledt” kung saan gaganap siya bilang si Karen na mapapariwara at mapapahamak dahil sa mga pinaggagagawa niya matapos maging social media star gamit ang kanyang camera filter.
“Hindi ako relate, eh. Hindi ko kagaya yung character ko dito si Karen. Never ko kasing ginawa na meron akong finake na picture ko. Kasi yung character ko lahat ini-edit niya para lang masabing ganito siyang tao.
“Gusto niya parati siyang nasa top and lahat gagawin niya para hindi siya bumaba. Ako naman kasi hindi ako ganun. Wala naman ako na-experience na kaparehas ng character ko,” aniya.
Marami raw matututunan ang mga manonood sa bago niyang project, kabilang na ang mga positive at negative side ng social media.
Sa tanong kung may mga iniidolo rin ba siyang mga influencers online, “Ang dami, halos hindi ko na rin mapangalanan yung mga accounts na fina-follow ko na na-i-inspire nila ako.
“Siguro yung mga pino-post nila at sini-share nila sa account nila na nakakapag-inspire sa akin, yun yung mga account na fina-follow ko na shini-share nila na maging confident ka sa sarili mo, and yung mas tanggapin mo yung flaws mo physically or emotionally man yan.
“And yung mas piliin mo na maging better ka everyday and yung mahalin mo nang mabuti yung sarili mo, hindi lang yung pagmamahal na kailangan parati kang maganda sa tingin ng tao.
“Kumbaga yung maganda ka rin sa sarili mo sa loob mo. Hindi mo lang kailangan alagaan yung panglabas mong anyo kundi parang yung sa loob mo pa rin,” pahayag pa ng dalaga.
Meron din daw naiisip si Francine na kuwento at role na gusto niyang magampanan in the future, “Kung ako talaga mag-iisip ng buong story, ang itatakbo ng story ko ay yung magbibigay ng awareness sa mga nagba-body shame sa social media.
“Kasi meron akong mga nakikita na confident naman sila sa katawan nila, sa sarili nila, pero yung comment naman ng mga tao hindi tama. Gusto ko magpakita o magbigay ng awareness lalo na sa mga haters.
“Hindi tama ang mang-body shame. Hindi tama na ikaw ang maging dahilan ng pagkababa ng tingin at confidence ng isang tao sa sarili nila,” lahad ng aktres.
Napapanood na ang “Click, Like, Share” sa KTX.ph, iWantTFC, and TFC IPTV and soon on Upstream.