MALUHA-LUHA si John Lloyd Cruz nang ianunsyo niya sa isang live TV special sa GMA 7 ang pagbabalik niya sa mundo ng showbiz.
Sa kauna-unahang pagkakataon, makalipas ang apat na taong pamamahinga sa pag-arte at paglabas sa telebisyon at pelikula ay muling napanood si Lloydie ng publiko.
Nangyari ito kahapon at nakasama nga niya ang TV host-comedian na si Willie Revillame para sa live show ng isang online shopping application. Kumanta muna si John Lloyd ng “Yakap” bago sila nagchikahan ng “Wowowin” host.
Dito nga niya nabanggit na super excited na siya uling magtrabaho matapos magdesisyong mamuhay nang simple at tahimik noong 2017 at mag-focus sa kanyang personal na buhay.
Ayon naman kay Willie, posibleng magsama sila ng aktor sa isang primetime show sa GMA. Hindi naman niya sinabi kung ito yung napabalitang sitcom daw nila kung saan makakasama rin si Andrea Torres.
Si Andrea ay ex-girlfriend ni Derek Ramsay na karelasyon na ngayon ni Ellen Adarna na dati namang dyowa ni John Lloyd. Kaya naman kung totoong magkakasama sina Andrea at Lloydie sa isang proyekyo siguradong pag-uusapan talaga ito nang bonggang-bongga.
Samantala, tinanong naman ni Willie ang nagbabalik-showbiz na aktor kung ano ang pakiramdam na mapapanood uli siya sa TV ng mga tao, “Welcome back, handa ka na ba? Anong nararamdaman mo ngayon?”
“Nagpapasalamat sa ‘yo, nandito ako, excited to be back. Si Kuya Willie, nandito ako dahil sa ‘yo, thank you, thank you,” sagot ni John Lloyd.
Mensahe naman sa kanya ni Willie, naiintindihan daw niya ang nararamdaman ni Lloydie, “Pinagdaanan ko rin ‘yan, marami ring taong tumulong sa akin pero ang importante Lloydie, nakausap kita, nagkausap tayong dalawa.
“Napakaganda ng puso mo. Napakaganda ng pagkatao mo. Mahal na mahal mo si Elias (anak nina John Lloyd at Ellen). Mahal na mahal mo ‘yung anak mo. Nami-miss ka namin lahat!”
“Ang galing mo, fan mo ko, fan mo kaming lahat. Dahil napakabuti mong tao at napakagaling mong artista. Sa totoo lang lahat ng GMA artists gusto kang makasama sa isang pelikula.
“Lloydie, ‘yung sumuporta sa ‘yo na sambayanang Pilipino, I think sila ang dapat mong pasalamatan kaya ka nandito.
“Nadidinig ko, nararamdaman ko ang pagmamahal sa ‘yo ng tao. Welcome back sa industriya kung saan ka nagsimula, at alam ko dito tayo magtatapos din. Welcome back, John Lloyd Cruz!” ang masayang-masayang pahayag pa ni Willie.