Rhian umalis na sa Wowowin; dambuhalang buwaya sa ‘Lolong’ mahal ang ‘talent fee’

BAKIT nga ba biglang nagdesisyon ang Kapuso actress na si Rhian Ramos na umalis agad bilang guest co-host ni Willie Revillame sa “Wowowin”?

Sa kabila ng magaganda at positibong komento mula sa mga manonood at mula na rin mismo kay Willie ay nagpaalam na nga ang dalaga sa programa at sa mga nakatutok sa kanila gabi-gabi.

Kung matatandaan, unang lumabas sa “Wowowin” si Rhian as guest co-host nang mag-celebrate ang programa ng kanilang 6th anniversary.

At mula nga noon, halos araw-araw  nang napapanood ang aktres sa Kapuso game show na isa na ring public service program ngayon. Ibig sabihin nagustuhan talaga ni Willie ang kanyang trabaho bukod pa sa aliw na aliw sa kanya ang mga manonood.

Ngunit sa nakaraang episode nga ng “Wowowin” ay ibinalita nga ni Rhian na aalis muna siya sa show. May isinuot pa nga raw siya nu’ng araw na yun bilang paglalarawan sa tunay niyang nararamdaman sa kanyang pag-alis.

“Today nagsuot ako ng pearls. Kasi ‘yung pearls, symbolism siya ng tears. Tears of sadness, kasi last week ko na ngayon. Siyempre, mami-miss ko kayong lahat,” emosyonal na pahayag ng dalaga.

Dito, nilinaw din ng Kapuso actress na hindi totoo ang chika na aalis na siya ng Pilipinas para manirahan sa ibang bansa. Plano raw kasi muna niyang magpahinga bago paghandaan ang bagong project niya sa GMA.

“Wala pa kaming final date pero may napag-usapan na ring story and everything,” aniya pa.

In fairness, pinayagan at suportado naman ni Willie ang desisyon ni Rhian pero inamin niyang nalungkot din siya sa pag-alis nito sa programa lalo pa’t gustung-gusto siya ng Kapuspo viewers.

“Ang dami pa namang may gusto sa kanya. Ang galing daw mag-host. Ang ganda magdamit. Ang bait-bait. Very professional pa, ang aga dito,” pahayag ni Willie.

* * *

Marami ang nagandahan at humanga sa bonggang teaser ng upcoming primetime series ng GMA, ang “Lolong”.

Mabilis ding naging trending topic sa Twitter ang #Lolong na matatandaang kasama sa mga programang nakalinya ng Kapuso Network ngayong taon. 

Talaga namang napa-“Wow!” ang mga nakapanood sa pasilip na trailer ng pinakabagong adventure series ng GMA Network na pagbibidahan ni Ruru Madrid. 

Ang “Lolong” ang sinasabing biggest primetime adventure series sa Pilipinas ngayong 2021 at kung pagbabasehan ang reaction ng mga nakapanood sa teaser ay promising talaga ang nasabing serye na handog ng GMA Public Affairs.

May ilan pang nag-comment na parang Disney raw ang gumawa ng nasabing teaser at nakakabilib ang animatronics na gagamitin para sa karakter ni Dakila — ang dambuhalang buwaya na magiging kaibigan ni Lolong (Ruru) sa serye.

Si Dakila ay isang “22-feet long animatronic crocodile made with fiberglass body and silicone skin” at tinaguriang “highest paid actor” sa nasabing serye dahil sa bonggang budget para mabuo siya at mapagalaw ng 14 katao na parang tunay na dambuhalang buhaya.

Bukod kay Ruru, bibida rin sa serye sina Shaira Diaz at Arra San Agustin. Kung anu-ano ang magiging role ng tatlong Kapuso stars sa “Lolong”, yan ang dapat abangan ng mga manonood.

Read more...