Isinuko na nga ba ng Jollibee ang bandera nito sa mahigpit na karibal na McDonald’s?
Isang post ang kumalat sa social media na may larawan ng fried chicken at may kopyang: “Our competitor threw in the towel.” May logo ito ng McDo.
Lumabas ang umano’y patutsadang post sa kainitan ng kontrobersiya tungkol sa isang customer ng Jollibee, si Alique Perez, na nagreklamo sa inorder niyang Chicken Joy sa isang branch ng popular na fastfood chain sa Bonifacio Global City noong Martes. Pero sa halip na manok, blue na towel ang nasa loob ng breading mix.
Ipinost ni Perez ang mga larawan at video nito sa kanyang Facebook na kaagad namang nag-viral.
Nitong Huwebes, matapos ang internal na imbistigasyon ay nagpasya ang Pinoy fastfood giant na ipasara ang Jollibee Bonifacio – Stop Over branch na isang franchise.
Humingi ang Jollibee ng paumanhin at nangakong masusing iimbistigahan ang insidente at maglalagay ng mga mekanismo para masigurong hindi na mauulit ito.
Pero noong araw ding iyon ay nagsimula namang kumalat ang sinasabing post ng McDo na taglay ang isang idiomatic expression na nangangahulugan ng pagsuko sa isang laban na angkop din sa kontrobersiya ng deep-fried na tuwalya.
Noong Huwebes, naglabas ng pahayag ng McDonald’s at sinabing hindi sa kanila nanggaling ang satirical na post.
“McDonald’s Philippines did not and would not produce or release any disparaging material against any brand,” ayon sa McDonald’s Philippines PR and Communications Senior Manager na si Adi Timbol-Hernandez.
“To reiterate, this piece of content was not made by McDonald’s Philippines and was never posted on any of the brand’s digital assets,” wika pa ni Hernandez.