GAGANAP bilang Aeta ang aktres na si Ella Cruz sa pelikulang “Gluta” na idinirek ni Darryl Yap mula sa Viva Films at mapapanood sa Vivamax sa July 2.
Base sa trailer ng “Gluta” ay malaki na talaga ang improvement ni Ella pagdating sa pag-arte na una naming napansin sa award-winning film na “Edward.”
Bilang babae at may angking ganda ay pangarap din niyang sumali sa beauty contest pero dahil nga maitim at nilalait ng kanyang mga kaklase ay may agam-agam siya na baka hindi siya makapasa sa audition. Yan ang isa sa tema ng “Gluta”.
Ayon kay Ella ang mensahe ng pelikula ay hindi lang para sa mga taong may maitim ang balat kundi para sa lahat lalo na ngayon mga kilalang personalidad ang gumagamit nito.
Inamin ni Ella na marami rin siyang insecurities sa sarili at nakatikim din siya ng pambu-bully noon.
Aniya, “Una sa lahat, ang liit ko. Marami ang mas maganda sa akin, tapos medyo hindi ako makinis noong nagsisimula ako (sa showbiz). Growing up, siguro hanggang ngayon, meron pa rin akong insecurities.
“Pero minsan kailangan mong ma-realize na meron tayong kanya-kanyang kagandahan and in-accept ko nang merong mas magaganda sa akin.
“In-accept ko na siguro mas maganda siya pero siguro mas magaling akong sumayaw. Lagi kong sinasabi, I don’t have much magazine covers. Siguro, hindi pang-magazine ang mukha ko,” paliwanag ng dalaga.
Pero palaban si Ella dahil hindi siya nagpatalo sa mga insecurities niya, “Sabi ko, okey lang, sige. Pero I have more projects na iba naman na blessings like movies na napu-fulfill ko and I have acting awards.
“Yun talaga ang pinakanagsabi sa akin na I’m doing fine. I’m doing great, I’m doing good in this industry.
“Hindi man ako palaging nasa cover ng famous magazines na ‘yan, at least I have an award confirming that I’m doing great,” katwiran ng aktres.
Tama naman dahil kahit na sinabing maliit at hindi kagandahan ang dalaga ay sunud-sunod naman ang proyekto niya sa Viva Films kahit pa may COVID-19 pandemic.
Dagdag kuwento naman ni direk Darryl, ang Viva bosses ang mismong nagsabing si Ella ang bagay na magbida sa “Gluta” bilang si Angel na sakto rin naman sa hinahanap niya.
“Ella, more than the skin is very similar to the hearts of our Aeta friends. Ella landed the role because Ella is very exceptional.
“It was very hard for us to have a lead in this movie. Viva and I went through a lot before pursuing this project.
“But let me assure that the representation is actually very careful, sensitive, to a point that I have consultants, I have organizations backing the film,” paliwanag ng direktor.
Samantala, excited si Ella sa proyektong ito dahil ito ang unang pelikula niya kay direk Darryl na aminadong marami siyang natutunang leksyon tungkol sa totoong “kulay ng kaligayahan.”
Kasama rin sa “Gluta” si Marco Gallo bilang si Bambino; si Juliana Parizcova Segovia bilang Uncle Goliath na sekretong gumagamit ng glutathione at kabahagi ng LGBT, ang anak-anakan ni direk Darryl na si Rose Van Ginkel sa papel na Lovely at si Cristina Gonzales bilang guro ni Angel na nagsabing hindi siya maaaring maging anghel sa isang palabas dahil sa kulay ng kanyang balat.
Kaya sa Hulyo 2 ay abangan ang “Gluta” sa Vivamax at mapapanood din ito sa Middle East tulad ng UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, at Qatar sa halagang AED35/month.