INAKALA ng dating matinee idol na si Cris Villanueva na katapusan na ng kanyang buhay sa mundo nang tamaan ng COVID-19 nitong nagdaang Marso.
Nahawa ng killer virus ang buong pamilya ng Kapamilya actor ngunit napagtagumpayan naman nila ito matapos sundin ang lahat ng inuutos at bilin ng kanilang mga doktor.
Nag-share si Cris ng naging karanasan nila sa paglaban sa COVID-19 sa nakaraang digital press conference ng ABS-CBN para sa Father’s Day episodes ng “Maalaala Mo Kaya” ngayong buwan.
“Ang naging symptoms ko ay ‘yung nahirapang huminga. Bumabagsak ang oxygen. Mataas na mataas na lagnat, talagang may fever ako straight five days and chills. Tapos sobrang weak, hindi makakain,” simulang kuwento ni Cris.
Patuloy pa niya, “Hindi rin ako makainom ng tubig kasi feeling ko palagi akong busog. ‘Yun pala puno ng water ‘yung lungs ko that’s why I couldn’t even eat, I couldn’t drink because isang drink ng tubig busog na busog na ako.
“I thought I was okay until ‘yun nga tumataas na ‘yung fever ko and ‘yung chills, nanghihina. I lost a lot of weight like sobrang pumayat ako,” aniya pa.
“Parang feeling ko talaga mawawala na ako. Gusto ko na magbilin. Pero you see a lot of people were praying for me. A lot of my friends were, a lot of my family members were.
“Isa lang magandang nangyari noon since lahat kami mayroong COVID, buong family, hindi kami naka-isolate sa isa’t isa so we are free to see each other. We eat sabay-sabay. Nagkikita-kita kami sa labas kapag nagpapa-araw kami.
“We were not isolated, ‘yun lang ang maganda roon. Pero you see ang hirap. Masakit ‘yung symptoms niya,” kuwento pa niya.
Sinabihan na rin daw siya ng kanyang doktor na magpaospital na ngunit mas pinili pa rin niyang manatili sa bahay dahil natatakot siya na baka hindi na niya makita at makasama ang pamilya niya.
“We had seven doctors looking after us and they were always calling. ‘Yun lagi ang sinasabi ‘Cris, punta ka na sa doktor, you know magpa-ER ka na, ang baba na ng oxygen mo it was going down to 86 percent, 87 something like that.
“So ang ginagawa ko na lang, (payo ng doktor) ‘sige kung ayaw mong magpunta sa ospital, dumapa ka na lang para magkaroon ng pressure ‘yung lungs mo. That way also doon din ako nakakakain.
Halimbawa mayroon akong burger o banana, nasa ilalim ng kama ko yon at kinakagat ko lang tuwing nakadapa ako. That’s the only time that I could eat,” lahad ni Cris.
Ngunit nilinaw niya na hindi niya ito ipinapayo sa ibang COVID patients, “It’s just that I was scared not to see my family ever again. Kasi kapag pumunta na ako roon, ‘di ko na sila makikita, they can not see me, they cannot go to me. So I was scared.”
Ito naman ang paalala niya sa madlang pipol ngayong patuloy pa rin ang banta ng pandemya, “COVID is so real. Ito sasabihin ko na sa inyo, napaka-paranoid ko na tao. I always have an alcohol in my pocket, I’m wearing mask all the time.
“I will always wear shield, but then hindi pa rin ako nakaligtas. I think the only way para maiwasan niyo ito is not to go out. Please stay at home kung wala rin kayong gagawin at hayaan niyo na lang magkaroon ng designated, isang tao na lumabas, bumili ng pagkain at bumalik sa inyo na kailangan maglilinis ulit.
“Until now, hindi pa rin namin malaman kung saan namin nakuha ang COVID but my whole family got affected. And the torture of you thinking na magkakaroon ng grabeng sintomas ang mga anak niyo, mga kaibigan hindi po biro ‘yon.
“Nakakabaliw po isipin na ang mga anak niyo ay may COVID at kayo wala rin kayong maitulong dahil pati kayo infected. Please don’t go out. Huwag kayong lalabas, mag-stay na lang po kayo sa bahay hanggang sa mawala po ang pandemic,” dagdag pang mensahe ni Cris.
Samantala, ang espesyal na two-part “MMK” episode ni Cris kasama si Maris Racal ay may titulong “Finding Papa”. Ang Father’s Day episode na ito ay mapapanood sa June 12 and June 19, 9 p.m..
Umeere ang “MMK” sa Kapamilya Channel, A2Z, Kapamilya Online Live YouTube channel, ABS-CBN Entertainment Facebook page, at iWantTFC.