WALANG duda, namana nga ni Athena ang pagiging kikay at komedyana ng kanyang mommy na si Rufa Mae Quinto.
Bata pa lang kasi ay kitang-kita na ang pagiging super bibo ng bagets at mismong si Rufa Mae na ang nagsabi na sa murang edad nito ay mahilig na rin itong magpa-cute sa harap ng camera.
Napanood namin ang episode kamakailan ng “Tunay na Buhay” sa GMA kung saan nakapanayam nga ang actress-comedienne. Dito nabanggit nga ni Rufa Mae na lumalaking madaldal at super energetic ang kanyang anak.
“Makulit siya, sobrang energy talaga. Hindi na nga ako nakakapagsalita kapag kausap ko siya, eh!
“Comedienne din. ‘Go! Go! Your kili-kili!’ gumaganyan siya. Lagi ka niyang kikilitiin. Basta masyado rin siyang funny. Kung anu-ano na ang alam niyang paandar,”chika pa ni Rufa Mae.
Sa tanong kung papayagan din ba niyang pumasok sa mundo ng showbiz si Athena, sabi ng komedyana nasa bata raw ang final decision. Pero sa ngayon parang nagdadalawang-isip pa ang bagets.
“Kapag nag-uusap kami, sinasabi niya gusto niya pero minsan ayaw naman niya ng camera. Hindi mo na rin alam kung ano talaga. Masyado pang baby siguro, kaya hindi pa siya makapag-decide,” tugon ni Rufa Mae.
Kasalukuyang naninirahan ngayon sa Amerika ang aktres kasama ang anak at ang asawang si Trevor Magallanes at inamin niyang napakahirap din ng pinagdaanan niya mula nang abutan sila roon ng lockdown dulot ng COVID-19 pandemic.
“Tuwing nakikita ko yung mga artista, sasabihin ko sa sarili ko, tuwing naghuhugas ako ng plato, ‘after everything I’ve done, sumikat ako sa Philippines, ito lang ba ang bagsak ko?’
“Hirap na hirap ako nu’ng una. Umiiyak-iyak pa ako. End of the world na para sa akin nu’ng una ko dito,” lahad pa niya.
Ngunit nang tumagal ay mas na-appreciate pa niya ang pagiging ilaw ng tahanan na kahit mahirap at matinding sakripisyo ang kailangan niyang gawin ay maligaya naman siya dahil sa kanyang pamilya.
“Sabi ko mas mabuti na rin ‘to dahil nakikita ng anak ko yung tunay na buhay,” aniya pa.
“Ako lahat dito kaya wala ka na talagang time para sa kung anu-ano. Kung hindi importante o trabaho, hindi na ako dapat lumabas kasi mag-fall down yung bahay,” sabi pa ng komedyana.
Plano niyang bumalik ng Pilipinas ngayong taon para asikasuhin ang ilang personal na bagay na hindi na niya nagawa simula noong ma-lockdown sila sa Amerika.