IBINANDERA ng singer-comedienne na si Kitkat na maraming beses na siyang nagparetoke at hindi raw niya ikinahihiya ito tulad ng ibang celebrities.
Bukod sa ilang beses na niyang ipina-enhance ang kanyang ilong, nagpagawa rin siya ng boobs at ang latest nga ay ang pagpapa-inject niya ng fillers sa kanyang mukha.
Ayon sa host at komedyana, proud siyang ipagsigawan sa buong universe na isa siyang retokada kaya natatawa na lang siya kapag may mga nangnenega at nanglalait sa kanya, kabilang na ang pagtawag sa kanya ng “fake face.”
Sa interview sa kanya ng podcast-online show na “Over A Glass or Two” natanong si Kitkat kung anu-ano na ba ang nagbago sa kanya sa halos dalawang dekada na niya sa entertainment industry.
“Ay, oo, yung boobs ko nagbago. Dalawang beses ‘yan. Yung ilong ko nagbago,” ang diretsahan at walang kaarte-arteng pag-amin ni Kitkat.
Hirit pa niya, “Ito ang pinakabago. Kahapon, nag-taping ako. Nu’ng isang araw nagpa-lip filler at chin filler. O, ‘yan ang bago. May concealer pa ‘yan kasi may pasa.”
Ang tinutukoy ng komedyana ay ang dermal fillers na itinuturok sa ilang bahagi ng face para mas ma-enhance ang itsura.
Kasunod nito, ibinahagi rin niya kung paano maa-achieve ang “hugis bigas” look tulad ng palagi ring sinasabi ni Vice Ganda.
“Dapat lampas sa double chin mo (ang baba) para hindi bilugin ang mukha mo,” sey ni Kitkat sa kanyang chin filler. “Non-invasive ito. So, mga six to eight months mawawala na rin siya.”
Patuloy pa niyang chika, “May mga permanent surgery, pero ayoko na din naman magpa-permanent.
“So, sa mukha ko, basically, ang ginawa lang talaga, ilong. Kaya lang, nagkataon apat na beses ‘to,” sey pa ng TV host.
Sa mga bashers naman na tumatawag sa kanya ng “retokada” sa social media, “Parang ang sagot ko, ‘Saan ka galing, e, talaga namang retokada ako?!’
“Pero mas marami pang retoke yung iba. Sa akin ilong lang naman ang gawa sa face ko, e, tsaka yung boobs ko. Pero yung iba, buong mukha, di ba?” chika pa ni Kitkat.
Sa isang bahagi ng podcast, ipinaliwanag din ni Kitkat kung bakit paulit-ulit siyang nagpaparetoke ng ilong at dibdib. Ito raw ay dahil sa mga beauty clinics na kanyang ine-endorser.
“’Yon yung point ng pag-e-endorse mo, e. Kumbaga ako, businesswoman din ako. Siyempre, kung kukuha ako ng endorser, bakit mo itatago?
“E, kaya nga ine-endorse mo, e, para manghikayat ng ibang tao, e. Kaya nga ilang beses yung ilong ko at ilang beses din yung boobs ko, kasi lumilipat din ako ng ine-endorse.
“Siyempre baka sabihin, ‘E, gawa pa ng ganyan, e.’ O, di ba, kapag bago ang ine-endorse, gawa nila (dapat),” esplika pa niya.
“Tsaka diyempre, kunwari, dati silicone lang naman ang meron. Siyempre, nagle-level up. Biglang kapag lumipat ka na ng ibang clinic, nag-level up, na naging Gore-Tex (isang uri ng implant procedure) na.”
“Tapos, ito ngang last ko, yung cartilage na ng tenga ko ‘to,” sabay hawak sa ilong na ang tinutukoy ay ang ear cartilage graft na ginagamit sa rhinoplasty o nose surgery.
“Kaya nga nakakarinig din itong ilong ko,” birong chika pa ni Kitkat.