Jobert Austria: Ang problema, nagagamit yung pagkikita namin ng nanay ko…

KASUNOD ng muli nilang pagkikita ng kanyang nanay makalipas ang halos 50 taon, ay ang pagharap ni Jobert Austria sa mga problemang kaakibat nito.

Inamin ng komedyante na medyo dismayado siya sa mga sumunod na eksena pagkatapos niyang makita at makilala nang personal ang tunay niyang nanay na si Armanda Villanueva.

Sa isang vlog ni Ogie Diaz sa kanyang YouTube channel ay nakachikahan niya si Jobert at dito nga naglabas ng saloobin ang Kapamilya comedian tungkol sa kanyang  biological mom.

Ipinaampon si Jobert ng ina noong baby pa lang siya and after 50 years nabigyan sila ng chance na magkita nito lang nagdaang May 7 na napanood nga YouTube channel ng komedyante.

“Pagkatapos kong makilala ang nanay ko, siyempre, pakiramdam ko tuwang-tuwa ako. Tsaka relieved ako sa sobrang tagal na panahon, ang dami kong tanong sa kanya at yung mga sama ng loob ko sa kanya.

“Nagpapasalamat ako sa Diyos na finally napatawad ko siya, nakita ko siya at nasabi ko yung mga gusto kong sabihin sa kanya mula nu’ng bata pa ako hanggang tumanda ako,” simulang pagbabahagi ni Jobert kay Ogie.

Aniya pa, “Actually, hindi siya nag-sorry. Wala siyang ano, dahil siguro may edad na siya, pero honestly, hindi ko nakita yung remorse, eh.

“Pero may guilt. Nahihiya siya. Hindi siya makatingin sa akin nang diretso. Siguro ganu’n naman talaga ang mga nagkakamali, di ba?

“Unang-una, siyempre, bilang nanay nakaharap mo yung anak mo na ipinamigay mo, mahihiya ka talaga. Pero katulad nga ng sinabi ko, walang nanay siguro na ipamimigay ang anak niya nang walang dahilan,” lahad pa ni Jobert.

“Ang mga nanay kasi nagsasakripisyo yan kahit na mahirapan sila para lang sa ikagaganda ng buhay ng anak nila. So maybe, meron talagang magandang dahilan. So, hindi siya nag-sorry pero pinatawad ko pa rin siya,” dagdag pa niyang paliwanag.

Ngunit inamin nga niya na may kakambal na problema ang muli nilang pagkikita na may konek daw sa usapin tungkol sa pera.

Ani Jobert, “Ang hindi ko lang nagustuhan, siguro sa pagkikita namin ng nanay ko at siguro ang kinatatakutan din ng karamihan na matagal nang di nakita ang nanay nila ay yung fear na pag nagkita sila ay may mga problemang sasalubong sa iyo.

“Actually, nu’ng nagkita kami ng nanay ko okey naman kaming dalawa. Siya nga nahihiya, eh, pero tinulungan ko siya nu’ng naghiwalay kami. Kaya lang, ang problema lang, nagagamit yung pagkikita namin ng nanay ko, di ba?

“Sabihin man natin o hindi, ayon na yung biglang nagkakasakit na daw siya. Hindi naman siya ang nagsabi nu’n, yung mga taong nakapaligid sa kanya. Tapos minsan, baka akala, eh, responsibilidad mo lahat nu’ng responsibilidad ng nanay mo.

“When in fact, ang responsibilidad ko lang naman talaga kaya kami nagkita at resposibilidad ko sa Diyos, eh yung nanay ko,” diin pang pahayag ni Jobert Austria na matindi rin ang pinagdaanan sa buhay bago pa nagtagumpay sa buhay.

Read more...