SB19: Nakakatuwa na kahit ibang lahi pinipilit nilang intindihin ang salita at kultura natin

HANGGANG ngayon ay hindi pa rin makapaniwala ang sikat na sikat na ngayong P-Pop group na SB19 na meron na rin silang international fans.

In fairness, maituturing na ring mga superstar ng kanilang henerasyon ang mga miyembro ng SB19 na sina Justin, Stell, Ken, Josh at Pablo dahil sa sunud-sunod na bonggang achievements na natatanggap nila.

Ayon sa grupo, kakaibang kaligayahan ang nararamdaman nila kapag alam nilang napapasaya at nai-inspire nila ang kanilang mga tagasuporta, hindi lamang ang kapwa Pinoy kundi maging ibang lahi.

Sa isang panayam, sinabi ng SB19 na napakalaki ng utang na loob nila sa mga A’TIN mula sa iba’t ibang panig ng mundo dahil sa walang sawang pagsuporta sa kanilang mga projects.

Pahayag ni Stell, “Siyempre hindi po namin maiiwasan na matuwa. Kasi dati parang pangarap namin na mayroong mga taong makaka-appreciate sa kanta namin at makaka-appreciate sa craft na nilalabas namin.

“Sobrang nakaka-touch po na kahit ibang lahi na pinipilit nilang intindihin ‘yung salita natin. Pinipilit nilang intindihin ‘yung kultura ng Pilipinas.

“Sobrang nakakatuwa kasi bukod po sa nailabas po namin ‘yung talent namin, ‘yung craft namin, isa pa pong nakakatuwang bagay ay sinusubukan po nilang aralin kung ano ang mayroon dito sa Pilipinas. ‘Yun po ang nakaka-proud po,” lahad pa ni Stell.

Muling nagmarka sa music industry ang grupo matapos gumawa ng kasaysayan bilang unang Pinoy na grupo na na-nominate sa katatapos lang na 2021 Billboard Music Awards bilang Top Social Artist of the Year, kung saan nakalaban nila si Ariana Grande at ang nga Korean groups na BTS, Seventeen at Blackpink.

Ang BTS ang muling nagwagi bilang Top Social Artist ngayong taon. Pero hindi man sila ang nanalo, feeling winner na rin ang SB19 matapos maihanay sa mga international artists.

“Siguro ‘yon po pinakamalaking karangalan na po ‘yon para sa grupo namin. At siyempre hindi lang po para sa amin kung hindi para sa buong Pilipinas. Kasi alam naman po natin na bibihira ang ganitong pangyayari. Thankful po kami,” pahayag ni Josh.

Sa nasabing panayam, natanong din sila kung ano ang mga pagbabagong nararanasan nila ngayong pang-world class na ang kanilang grupo.

Sagot ni Ken, “Sa ngayon po ang malaking pagkakaiba ay dumarami po ang interviews namin. ‘Yun po ang pinakaunang pagkakaiba. At isa pa po ay marami na pong casual viewers ang nanonood sa amin.

“At may mga international fans na rin po kami unlike before na sobrang bibihira lang ang nanonood sa amin kapag nagpe-perform kami,” aniya pa.

Natanong din sila ng ilang fans kung nakakapagpahinga pa ba sila ngayong sunud-sunod na ang kanilang guesting at special appearances sa iba’t ibang platforms,

“Nakakapagpahinga naman po kami. Pero ngayon po maraming blessings ang dumarating sa group namin. Hanggang kaya po namin, hanggang nandito kami siyempre tatanggapin namin ‘yon kasi ito naman po ang aming gusto at mahal na mahal naming gawin.

“Siyempre sobrang thankful kami sa mga blessing. At huwag po silang mag-alala kasi nagpapahinga po kami. We always find time to rest po,” pahayag ni Stell.

Sa ngayon, patuloy ang pag-ariba ng dalawang magkasunod na bagong kanta ng SB19, ang “Mapa” at “What?”

Read more...