BAKA hindi na muna matuloy ang palitang Kerby Raymundo at James Ryan Sena na noong isang linggo pa niluluto ng Barangay Ginebra San Miguel at Air21.
Ito’y bunga ng pangyayaring nagtamo ng injury si Japeth Aguilar sa second quarter ng laro ng Gin Kings kontra Barako Bull noong Agosto 30.
Si Aguilar ay dinala sa dugout matapos na bumagsak. Hindi na siya ginamit pa ni interim head coach Renato Agustin mula noon. Ang Gin Kings ay natalo sa Energy Cola, 104-91.
Si Aguilar ay nakuha ng Barangay Ginebra buhat sa Global Port kapalit ni Yousef Taha bago nag-umpisa ang Governors Cup. Maituturing itong isang malaking upgrade para sa Gin Kings na sadyang nangangailangan ng isang dominant big man.
Hindi nga ba’t iniisip sana ng pamunuan ng Barangay Ginebra na iangat sa kanilang lineup si Paul Asi Taulava buhat sa San Miguel Beermen na nagkampeon sa nakaraang ASEAN Basketball League (ABL).
Subalit hawak pa ng Meralco Bolts ang rights kay Taulava at hindi naman magkasundo ang dalawang koponan hinggil sa trade.
So, the Gin Kings did the next best thing. Kinuha nila si Aguilar!
Sa nakaraang FIBA Asia Men’s Basketball Championship ay napabilib ni Aguilar ang lahat hindi lamang sa pamamagitan ng kanyang slam dunks kundi pati na rin sa tindi ng kanyang depensa.
Nagmistula siyang chief reliever ng naturalized player na si Marcus Douthit. Kadalasan pa nga’y nagsasabay silang dalawa.
Kaya naman na-excite ang mga Barangay Ginebra fans sa pagsisimula ng Governors Cup.
Kasi nga’y alam nila na mayroon na silang matinding pambato sa gitna. Pero mapagbiro talaga ang tadhana. Dalawang games lang ang nabuo ni Aguilar bago siya nagtamo ng injury.
Sinimulan ng Gin Kings ang kanilang kampanya sa pamamagitan ng 101-95 kabiguan sa Petron Blaze. Nakabawi sila ng talunin nila ang Meralco, 98-85, sa sumunod na laro.
Noong linggo ay nalasap ng Gin Kings ang kanilang ikatlong kabiguan nang sila ay masilat naman ng Alaska Milk, 102-99.
Sa pagkawala ni Aguilar ay nagkaroon ng maitim na lambong ang pag-asa ng Gin Kings hindi lang na makarating muli sa finals kundi ang makapasok man lamang sa quarterfinals.
Si Aguilar ay na-diagnose na mayroong sprained MCL at hindi siya makapaglalaro mula apat hanggang anim na linggo.
Aba’y parang hanggang sa dulo na ng elims ito o baka sa simula ng semis.
Sakaling makasingit ang Gin Kings sa quarterfinals, malamang na ang makakalaban nila ay mayroong twice-to-beat advantage. Ang saklap naman.
Kaya naman kakailanganin nila ang isang healthy na Raymundo upang makatuwang ni Billy Mamaril sa hangaring madomina ang shaded area. Kailangan ding tumulong ng husto sa rebounding department sila Willy Wilson at Rico Maierhofer.
Kailangan ding magsimula si Dior Lowhorn sa pagpapakitang-gilas sa shaded area. Kung magagawa nila na mapunan ang pagkawala ni Aguilar baka sakaling makapamayagpag pang muli ang Barangay Ginebra.