PINANOOD namin ang ilang performances ng bagong grupong New Gen Z Divas sa “ASAP Natin ‘To” ng ABS-CBN.
Ito’y kinabibilangan nina Janine Berdin (Tawag ng Tanghalan winner season 2), Sheena Belarmino (4th place TNT season 2), Elha Nympha (The Voice Kids winner season 2) at Zephanie Dimaranan (Idol Philippines winner) na pawang mga belter kaya tinawag din silang mga diva.
Nakakaaliw lang dahil may kanya-kanyang strength ang apat na dalaga at napansin namin kay Zeph na may pagkakahawig ang pagkanta at istilo niya sa ating Popstar Royalty na si Sarah Geronimo.
Nang makatsikahan namin si Zeph sa cellphone ay isa si Sarah sa mga music influence niya kasama na si Regine Velasquez.
“As much as I can po, I want to create my own path po. And yes po sina mama Regs and Ate Sarah po (mga idol niya) kasi I grew up sa genre nila which mga pop-ballad,” kuwento nito.
Nu’ng kasagsagan ng lockdown dahil sa COVID -19 pandemic ay sinimulan ni Zeph ang pagsusulat ng kanta na hopefully ay mai-record niya pagdating ng tamang panahon.
“Actually, may nasulat po ako sa gitna ng pandemic, I tried to write songs and na-realize ko na hindi pala talaga madali, sobrang happy po ako na may nagawa akong dalawang song at ‘yung isa po roon ipinarinig ko na kay sir Jonathan (Manalo, ABS-CBN Creative Director) at sa Cornerstone (management).
“Siyempre po wala pa naman talaga akong experience sa pagsusulat but sabi naman po nila, puwedeng ma-work out,” pahayag ng dalaga.
Parehong love songs ang naisulat ni Zeph na parehong may kirot sa puso kaya nagtataka rin siya sa sarili kung paano niya nabuo ang mga ito gayung wala pa naman siyang karanasan sa pag-ibig.
“Based on my experience po, parang mas nadalian akong magsulat ng masasakit na kanta na inspired sa mga nababasa kong stories, napapanood (movies and series). Medyo mahilig po kasi akong magbasa, hindi po ba nauso ang Wattpad nagbabasa po ako ng He’s Into Her mga ganu’n,” kuwento ni Zeph.
Sa edad na 18 ay wala pa sa isipan ng Cornerstone youngest star na magka-boyfriend dahil ang singing career niya ang kanyangbprayoridad pero may mga crush naman daw siya.
“Normal naman pong magkaroon ng paghanga siguro po isa sa mga friend na kakilala ko po talaga like sina kuya Inigo (Pascual) at Darren (Espanto). Ang description ko po kasi ng crush kapag ang tao mabait, mabuting tao and very talented tipong nakaka-inspire po. Marami pa pong iba like kuya Daniel (Padilla) pagdating sa acting,” masayang tinig na sabi ni Zephanie.
Ang mga nabanggit ni Zephanie na crush niya ay nasubukan nang umarte sa harap ng camera kaya tinanong namin siya kung type rin niyang mag-showbiz.
“I’m very open po to any opportunity basta alam ko sa sarili ko na mapu-pull off. Nu’ng nag-meeting kami ng Cornerstone nabanggit ko na open ako to explore.
“But since I’m ito training pa rin po (dancing, singing), they want me to focus pa rin sa pinaka-forte ko which is singing. Sa kanila rin nanggaling na mag-training ako ng acting, dancing and I’m very happy na supportive po sa akin Cornerstone po,” kuwento ni Zephanie.
Samantala, ang layo na ng itsura ngayon ng “Idol Philippines” winner mula nu’ng manalo siya. Parte ba ito ng plano ng management niya na baguhin pati ang look niya para maging dalagang-dalaga na?
“I can say na I really trust Cornerstone po kung ano sa tingin nila ang best for me at isa po iyon sa plano na after kong manalo is to change my look simula nu’ng nag-18 po ako, even ‘yung hair ko po (binago).
“Happy po ako kasi first time kong makaranas ng change ng look and I also learned to wear contact lens na rati wala namang grado kung baka for style lang, but since online na po tayo ngayon sa lahat ng bagay, nagkaroon na ako ng astigmatism,” paliwanag ng dalaga.
At sa pagpapaganda niya ng mukha o facial ay si Cathy Valencia ang namamahala rito at pagdating sa mga damit ay may stylist naman ang “ASAP” para sa kanya.