Juday hindi sinagot kung in-offer sa kanya ang Doctor Foster: Ayokong maging unfair kay Jodi
TUMANGGI ang Soap Opera Queen na si Judy Ann Santos na sagutin kung una ngang in-offer sa kanya ng ABS-CBN ang Pinoy version ng hit TV series na “Doctor Foster” o “The World Of The Married” (Korean version).
Feeling ni Juday, hindi tama na magsalita pa siya tungkol dito dahil may napili na ngang mga artista ang production para bumida sa Philippine adaptation of “Doctor Foster”.
Ayon sa Kapamilya actress at TV host, nirerespeto niya ang pagkapili kay Jodi Sta. Maria bilang lead star ng nasabing serye kung saan makaka-partner nga nito si Zanjoe Marudo.
“I don’t know if I have to answer that question, kasi I don’t want to be unfair kay Jodi,” ang sabi ni Juday sa online chikahan nila ni G3 San Diego nang tanungin nga kung in-offer sa kanya ang project.
Dugtong pa ng aktres, “At the same time, gusto ko rin maghintay sa management if they are going to answer that.”
“Ako, happy ako that it is Jodi who is doing ‘Doctor Foster.’ It’s a very, very good material. It’s a good project.
“Ako din naman, if ever, hindi ko rin naman din siya magagawa, kasi takot nga ako lumabas, more than anything,” pahayag pa ng misis ni Ryan Agoncillo.
Nang unang ibandera ng ABS-CBN ang collaboration nila ng BBC para sa remake ng British series na “Doctor Foster” o ng South Korean version nitong “The World of the Married”, si Juday agad ang request ng mga netizens na magbida rito kasama si Piolo Pascual.
Ngunit si Jodi nga ang napiling maging lead star dito na may titulong “The Broken Marriage Vow” with Zanjoe playing the husband and Sue Ramirez as the mistress.
Pahayag pa ni Juday, talagang nagdadalawang-isip pa siyang tumanggap ng trabaho ngayong panahon ng pandemya lalo na kapag lock-in taping. Top priority pa rin daw niya ang kaligtasan ng kanyang pamilya.
Nang tanungin naman kung game na rin ba siyang gumawa ng pelikula at teleserye with Piolo na nagpahayag na rin ng excitement para sa kanilang reunion project, payag naman daw ang aktres.
“I am not closing my doors to that possibility, kasi wala namang imposible, ‘di ba. At saka sa pagkakataong ‘to, kung kaya, bakit hindi?
“It’s just that, lalo ngayon, hindi ako makatanggap ng mga acting jobs, kasi natatakot ako talagang lumabas. The thought of bubble taping, hindi ko kaya,” sey pa ni Juday.
“Malalayo ka sa pamilya mo, eh. Ang liliit pa ng mga anak namin (ni Ryan). Kung siguro dalaga’t binata na ‘tong mga ‘to, maiintindihan nila,” katwiran pa ng award-winning actress.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.