Andrea: Naranasan ko na pong parang kinalaban ako ng buong mundo

SA murang edad, marami nang naranasang pagsubok ang dalawang Kapamilya youngstars na sina Andrea Brillantes at Francine Diaz.

Sa ginanap na virtual mediacon para sa bagong digital anthology series ng ABS-CBN na “Click, Like, Share” na tatalakay sa iba’t ibang issue ng paggamit ng social media, natanong sina Andrea at Francine tungkol sa hot topic na “cancel culture” sa socmed.

Ito ang tawag ngayon ng mga kabataang netizens kapag may nais ipaboykot o huwag suportahan ang mga personalidad na nagkakamali o sumasablay sa kanilang mga ginagawa sa buhay o sa trabaho.

Ayon kay Andrea, bago pa sumikat ang salitang cancel culture ay naka-experience na siya ng matinding pambu-bully at pangnenega sa socmed sa edad na 12.

“Bago pa nagawa yung ‘cancelled’, naranasan ko na siya ilang beses at a very young age. Wala pa akong 13 yata, naranasan ko na parang kinalaban ako ng buong mundo. Feeling ko talaga wala akong kakampi,” pahayag ng dalagita.

Ngunit nagpakatatag daw siya at inisip na lang ang kapakanan ng kanyang pamilya dahil siya nga ang breadwinner at handa siyang tiisin at gawin ang lahat para sa mga mahal niya sa buhay.

“Talagang hindi ko siya pakakawalan. Di ko pwedeng pabayaan pamilya ko kasi gusto ko maranasan nila ang buhay na gusto nila.

“Kasi di po ako ipinanganak na mayaman, at gusto ko pong maranasan ko yun kasama ang pamilya,” sey pa ni Andrea.

Diin pa ng Gold Squad member, “Diyos lang dapat ang nakakapag-judge sa ‘yo. At alam ko si Lord ay tatanggapin ako. Kaya kahit i-cancel ako ng buong mundo, nandiyan Siya. Kasi alam kong tutulungan Niya ako sa lahat ng bagay.”

Para naman kay Francine, “Parati nilang ginagawa ‘yun sa amin kahit wala kaming alam. Kina-cancel nila kami na wala kaming ginagawang masama sa kanila.

“For me po, sana mabawasan yung ganoin o matigil kasi tao rin po kaming mga artista. Meron kaming mga nararamdaman. Hindi porke laging naka-smile sa camera wala na kami pinagdadaanan o wala na kaming nararamdaman na sakit,” pahayag pa ng Kapamilya young actress.

Samantala, ngayon pa lang ay excited na ang milyun-milyong fans ng Gold Squad sa nalalapit na pagpapalabas ng “Click, Like, Share” kung saan bibida nga sina Andrea, Francine with Seth Fedelin and Kyle Echarri.

Ihahatid ng “Click, Like Share” ang apat na kwento ng mga teenager na nakadepende ang buhay sa social media at ang malulupit na kahihinatnan ng paggamit nito sa maling paraan.

Sa unang episode na “Reroute,” magiging impyerno ang buhay ni Brennan (Kyle) dahil mai-in love sa kanya ang kinakaadikan niyang app. Sa “Cancelledt” naman, malalagay sa panganib ang buhay ni Karen (Francine) nang magkatotoo ang pinapangarap niyang perpektong buhay at kasikatan sa social media.

Mapapanood naman si Seth bilang si Cocoy sa “Trending,” kung saan sisikat siya dahil sa pag-iimbento ng isang viral video. Dadaan naman sa mga pagsubok si Beth (Andrea) sa “Poser” dahil sa panloloko niya sa isang lalaki gamit ang face filter ng isang app.

Kasunod ng premiere ng unang episode sa Hunyo 5 ng 6 p.m., isang bagong episode ang mapapanood sa Hunyo 12, Hunyo 19, at Hunyo 26 ng 6 p.m. sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV. Magiging available rin ito ngayong taon sa Upstream.

Makakasama rin sa “Click, Like, Share” ang The Squad Plus members na sina Danica Ontengco at Renshi de Guzman, pati na sina Jimuel Pacquiao at Nio Tria sa kanilang acting debut. Sa direksyon ni Emmanuel Palo, ito’y mula sa iWantTFC at ABS-CBN Entertainment kasama ang Dreamscape Entertainment at Kreativ Den.

Abangan ang unang episode ng “Click, Like, Share” sa KTX.ph, iWantTFC, at TFC IPTV ngayong Hunyo 5.

Read more...