Habang nasa kasagsagan ang pagpaparamdam nina Derek Ramsay at Cristine Reyes ng kanilang pagmamahalan dahil sa mga ipino-post nilang mga retrato nila sa Instagram ay ‘yun naman ang pananahimik nina John Lloyd Cruz at Angelica Panganiban.
Nilalanggam sa kaswitan sina Derek at Cristine, nagkakabugan sila sa mga caption na inilalagay nila, tulad ng “This is forever” na ikinapsiyon ng hunk actor sa larawan ng paghahalikan nila ng sexy actress.
Si Cristine naman ay merong litanyang “Not just your girl, I am your everything,” di ba naman sobrang sweet ng mga bagong nagmamahalang ito ngayon?
Harinawang magtagal ang kanilang relasyon, hindi man ‘yun abutin ng sinasabi nilang forever, sana’y maging maayos ang takbo ng kanilang pagmamahalan dahil sayang naman ‘yun kung mauuwi lang din sa wala.
Pero makagaganda sa kanilang relasyon ang pagiging magkaibigan muna nina Derek at Cristine. Kung matatandaan, nu’ng sina Cristine at Rayver Cruz pa ay madalas magpunta ang dalawa sa bahay ni Derek, magkakaibigan sila, at napakaganda ng resulta ng isang pagkakaibigang nauwi sa pagmamahalan.
Sana nga ay maging mapayapa ang biyahe ng kanilang relasyon, pareho naman silang mapagmahal, pareho rin silang nakikipaglaban para sa kanilang minamahal.
Sabi ng isang kaibigan namin, “Napakasuwerte naman ni Cristine, nakatagpo siya ng lalaking may paninindigan at marespeto pa sa babae. Nakakainggit talaga ang babaeng ‘yun!” Ha! Ha! Ha! Ha!
( Photo credit to Google )