EUGENE kay MARICEL: Bilib ako sa babaeng’yan, sobrang tapang!

ALIW na aliw ang karamihang entertainment press na dumalo sa presscon ng “Momzillas” na pinagbibidahan nina Maricel Soriano at Eugene Domingo, lalo na sa batuhan nila ng punchlines.

Ikalawang beses na itong pagsasama nina Marya at Uge pero dito sila talaga nakapag-bonding ng husto dahil wala raw silang ginawa kundi magkunwetuhan hanggang madaling araw, hindi rin daw nila naramdaman na nagtatrabaho sila.

“Bitin nga, nakailang eksena lang kami, tapos pack-up na pala, sabi nga namin kay direk Wenn (Deramas), ‘Tapos na?’ Baka may nalimutan ka pang eksena, puwede kaming bumalik,” pagkukuwento ni Maricel.

At ang papuri ni Marya kay Uge, “Isa siyang totoong kaibigan, masaya kami sa set na hindi naramdaman talaga ang 13 sequences kasi nga tawa kami ng tawa, sobrang saya tapos nagtataka ang iba kasi bakit daw ang dali naming natapos ang mga eksena, parang ang dali raw naming nag-shooting.

“Siguro sa sobrang dedikasyon namin sa trabaho, hindi kami nagmumukhang nahihirapan kaya namin natatapos agad at hindi kami mukhang pagod kasi enjoy na enjoy kami talaga.

‘Yun pa ‘yung maganda na maagang dumarating sa set kasi nakapaghahanda na,” kuwento ng aktres. Pinatotohanan naman nina direk Wenn at Eugene na maagang dumarating talaga sa set si Marya at feeling nga raw nila ay negosyo niya ang mga tent at portalet dahil nasasaksihan nito kung paano itayo ang mga ito.

“Nauuna pa siya sa tent, so feeling ko, supplier din siya,” say ni Uge. Sinagot naman sila ni Marya, “Hindi, siguro talagang tsismosa lang ako kasi gusto kong tsumika talaga.

Ito ang pelikulang enjoy na enjoy talaga ako at looking forward talaga akong dumating ng maaga.” Baka naman na-miss talaga ni Maricel ang showbiz, di ba bossing Ervin, isipin mo naman ilang taon din siyang nawala na akala nga namin ay magiging aktibo na ulit siya sa telebisyon pero naudlot naman.

Samantala, sobrang ganda ng mga sinabi ni Uge kay Marya dahil maski raw matagal na nawala sa showbiz ang Diamond Star ay hindi mo pupuwedeng basta balewalain ang isang Maricel Soriano.

“Hinangaan ko siya ngayon dahil you cannot deny the fact that she went through ups and down and nangyayari lahat ‘yan sa artista but now, I admire her more because eversince the day I watched her in TV and in the movies, mas lalo niya akong naging tagahanga kasi ngayon nakilala ang tibay ng isang totoong artista na tulad ni Maricel Soriano na hindi natutumba.

“Ang paghanga ko sa kanya ay hindi natapos kasi kung baga, magaling siya sa drama, magaling siya sa comedy aand as a person, if you really get to know her, isa lang ang gusto niyang gawin sa buhay niya, ang mapaligaya ang lahat ng manonood,” paglalarawan ni Uge kay Marya.

“Pengeng alahas,” sundot ni Eugene kay Marya na ikinatawa ng lahat. Samantala, tinanong ulit si Marya kung ano ang nakita niya kay Uge para marating niya ang kinalalagyan niya ngayon bilang Eugene Domingo na magaling sa komedya.

“E, kasi napaka-professional niyang tao, napaka-dedicated niya sa trabaho, hindi siya puwedeng ginagambala sa set, bawal, magagalit ako, alam mo ‘yung pakiramdam na minsan kinakausap ka na nagtatanong kung bakit ganu’n at sumasagot siya at pareho kami (working habits),” kuwento ng komedyana.

At ang ayaw naman ni Marya kay Uge, “Ano, nagda-drive nang nagda-drive tapos kapag walang makitang parking, mainit ang ulot niya, ‘yan ang totoo, kaya sabi niya, ‘Mabuti na lang dumating ka na.’

Kaya ginagawa ko, niyaya ko na siyang magkape para lumamig ang ulo,” tumatawang kuwento ng aktres. Marami pa sana kaming gustong itanong kay Maricel dahil na-miss namin siya, kaya lang pagkatapos ng question and answer sa presscon ay kaagad na silang hinila ng staff ng Star Cinema.

Anyway, base naman sa trailer ng “Momzillas” ni Wenn Deramas mula sa Star Cinema, feeling namin hahataw ito sa takilya dahil kahit kami ay natawa sa mga eksena nina Eugene at Maricel.

Kahit ang ilang kasamahan sa panulat ay tawa nang tawa sa mga napanood nilang trailer, sabi pa nga ng ilan, hindi pa rin pala nawawala ang magic ni Maricel pagdating sa comedy, may timing pa rin at swak na swak talaga sila ni Uge.

Kaya sana nga ay kumita ang pelikula para makabawi na uli ang Diamond Star mula sa pagkakadapa ng kanyang career. Pagkatapos nito ay isusunod na ni Maria at direk Wenn ang MMFF 2013 entry nila ni Vice Ganda na “Girl Boy Bakla Tomboy”.
Join din sa pelikulang “Momzillas”  sina Joey Paras, Andi Eigenmann, Candy Pangilinan at Billy Crawford.

( Photo credit to Google )

Read more...