HINDI papayag si Vice Ganda na maging “puchu-puchu” o gagawin lang nang mabilisan ang susunod niyang pelikula.
Gustung-gusto na ng TV host-comedian na makapagbida na muli sa movie dahil miss na miss na niya ang mag-shooting at muling makasama ang mga kapwa artista pati na ang production people.
Pero sabi ni Vice, hangga’t may banta ng COVID-19, baka raw hindi muna siya babalik sa paggawa ng movie dahil ayaw niyang i-risk ang kanyang kalusugan.
“Kung maayos lang ang sitwasyon nakagawa na dapat tayo, di ba? Gigil na gigil na rin kami nina Boss Vic (del Rosario ng Viva Films) na gumawa ng pelikula. Kahit na ang Star Cinema gigil na gigil na kami.
“May mga naplano na kami. Nakailang creative meetings na kami, ang dami ng nabuo pero dahil sa ganitong sitwasyon paano kami makakapag-shooting.
“Ayoko naman ng shooting na lock-in na one week tapos tapos na yung pelikula. Di ba, nakakapitu-pito, sabi ko, ‘No, ayoko ng mga ganyan!’
“Kahit sila rin naman, hindi naman papayag ang Star at ang Viva na ganu’ng klaseng project lang. Kailangan unkabogable, di ba, hindi puwedeng puchu-puchu,” ang dire-diretsong paliwanag ni Vice virtual mediacon para sa kanyang first digital concert na “GANDEMIC: Vice Ganda The VG-tal Concert” sa darating na July 17.
Hanggang ngayon nga raw at takot na takot siyang lumabas ng bahay, “Ay, hindi talaga ako lumalabas. Hindi talaga ako lumalabas kasi takot na takot ako. Hindi talaga ako lumalabas at all. Yung Showtime ang ang inilalabas ko.”
Pag-amin pa niya, “Yung Showtime nga, there was a time na magbe-beg off sana ako, eh. Nu’ng nagkaroon ng surge magbe-beg off sana ako, na baka hindi muna ako papasok, hindi muna ako sasali ngayong cycle.
“Pero nag-isip ako, sabi ko, pag ginawa ko yon hindi rin papasok yung mga kasamahan ko. So, pag ginawa namin yon anong mangyayari sa programa, di ba? Eh, siyempre mahal na mahal ko yung programang yon, kailangan ko ring ikonsider kung anong kahihinatnan para sa programa.
“So, we make a compromise na, ‘Sige, pasok tayo pero ganito, ganito dapat kahigpit, ganyan-ganyan.’ Everyday may swab kami sa Showtime, as in everyday. Di ba yung iba entry swab, exit swab lang, kami everyday, dahil sa sobrang takot namin.
“Tapos pag walang Showtime hindi talaga ako lumalabas unless may mahalagang dahilan para lumabas. Lumabas lang ako nu’ng nakaraan kasi kailangan ko nang magpa-Belo bilang paghahanda sa concert ko,” aniya pa.